Antas ng sports, patataasin ng PSC sa ilulunsad na PSTC
- Gerard Arce
- Jan 8, 2020
- 2 min read

Maglalaan ng buong panahon ang Philippine Sports Commission (PSC) upang maisakatuparan ang pagtatatag ng Philippine Sports Training Center (PSTC).
Makalipas ang isang taon matapos pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11214 o mas kilala bilang Philippine Sports Training Center Act, nakahanda ang ahensiya ng pampalakasan na tuparin ang pangarap na ito.
Nakasaad sa batas na nakadiseniyo ang pagpapatayo ng mga state-of-the-art na sports training facility na may mga pangangailangang angkop at kaaya-aya sa mga pambansang atleta, coaches at referees upang maabot nito ang mataas na lebel at kalidad ng pag-eensayo na kalaunay magdadala ng magandang resulta kapag sumabak ang mga ito sa pandaigdigang kompetisyon kabilang na ang prestihiyosong Summer Olympic Games, kung saan umaasa ang bansa na makakamtan nito ang kauna-unahang gintong medalya. ”We are doing our best to make this long-time dream come true,” wika ni PSC Chairman William Ramirez.
Ayon pa umano sa RA 11214, patatakbuhin ng PSC bilang pangunahing tagapagpatupad ang PSTC na siyang titingin sa kabuuang operasyon nito pagdating sa administrative work, security, gayundin ang paglalagay ng mga tauhan na siyang mangangasiwa sa kabuuang pagpapatakbo ng mga pasilidad.
Manggagaling ang halagang P3.5-B mula sa General Appropriations Act (GAA) na inilaan para sa pagpapatatag at pagpapatayo ng PSTC.
Nauna nang nagpahiwatig ang Munisipalidad ng Rosales sa probinsiya ng Pangasinan na gawing main hub ng PSTC ang lugar nila. Bukod sa Pangasinan ay nagpahayag din ng interes ang mga probinsiya ng Tarlac at Bataan. Samantala, nakikipag-usap na ang pamunuan ng PSC sa United States Sports Academy (USSA) upang patatagin ang mapagkukunan ng tao sa larangan ng palakasan sa bansa, kung saan sa Marso ay magkakaroon ng serye ng malilit na sports courses na gaganapin upang maging parte ng mga plano ng PSC.





Comments