top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Valencia at Velarde, bumibida sa Nat’l Age Group Chess

Eddie M. Paez, Jr.
Jan 7, 2020
1 min read

Pinangunahan nina John Curt Valencia at Jerish John Velarde ang mga namayagpag sa 2020 National Age Group Chess Championships Visayas Leg nang magrehistro sila ng walang-talong mga kartada pagkatapos ng pitong rounds ng sagupaang ginanap sa Cebu City.

Pitong sunod-sunod na panalo sa pitong salang sa board ang nagtulak sa topseed na si Valencia (rating: 1476) sa trono ng Under 8 na trono samantalang ganitong kinang rin ang naiposte ni Velarde, pre-tournament favorite sa Under 14 na grupo, nang mangibabaw siya sa kanyang grupo ng kompetisyong inorganisa ng Cebu Chess Society.

Hindi naman nagpadaig si 10th-ranked Justin Luis Joseph dahil nakapagsumite rin siya ng perpektong laro sa mga bakbakang pang Under 12 kaya hinirang rin ang paslit bilang kampeon.

Bukod kina Valencia, Velarde at Joseph, namayani rin sa kani-kanyang mga kategorya sina Under 16 Open bet at 5th seed Jasper Faeldonia (rating: 1963), Under 18 top-ranked Ronald Canino (rating: 2133) at Under 20 top gun Chris Aldritz Pondoyo (rating: 2115). Pare-parehong humugot ng tig-aapat na panalo sina Faeldonia, Canino at Pondoyo kontra sa magkakaibang karibal bago sila nakipaghatian ng puntos sa tatlong laro.

Wala namang perfect scorers sa mga kababaihan pero maraming mga nakaipon ng halos walang mantsang tig-aanim na panalo at isang tabla para sa kabuuang 6.5 puntos. Ito’y sina Under 08G Faith Argenal, Under 10G Iana Angela Sotaridona, Under 14G at child wonder Antonella Berthe Racasa at Under 18G Mary Joy Tan. Nagwagi rin sa kani-kanyang age-bracket sina Kristina Concepcion Belano (Under 12G) at Regina Catherine Quinanola (Under 16G).

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page