Traslacion, huwag gawing ‘trash-lacion’

Bukod sa mapayapa at ligtas na Traslacion, palagi ring ipinakikiusap na gawin itong maayos at malinis.
Nitong mga nagdaang taon, tone-toneladang basura at mga sira-sirang halaman ang naiwan sa ruta ng Traslacion ng Itim na Nazareno.
Ang pinakahuli ay umabot sa 160 tonelada ang nahakot na basura — single-use plastic bag, plastic bottles, baso at plato.
Marami ring halaman ang nasira, ang ibang plant box ay ginawang tambakan kung saan siniksik ang mga tirang pagkain.
Ngayong taon, umaasa pa rin tayo na magiging disiplinado na ang lahat ng deboto at ang mismong publiko.
Tandaan, kasabay ng pananampalataya sa Poong Nazareno, kailangan din nating matutunan ang pagrespeto at pagkalinga sa kapaligiran. ‘Ika nga, “Cleanliness is next to godliness”.
At sa batas ng tao, ang pagkakalat ay paglabag sa Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act. Base sa Section 48, bawal magtapon ng basura sa pampublikong lugar — kalsada, sidewalk, kanal, park at establisimyento. Ang matigas ang ulo, pagmumultahin, paglilinisin at maaari pang makulong.
Bagama’t, parang imposible, pero subukan pa rin nating maging ‘zero-waste’ sa kabuuan ng prusisyon. Huwag nating hayaang ang Traslacion ay maging ‘trash-lacion’.
Maaaring hindi lahat ay mananampalataya, pero lahat ay hinihinging maging marespeto at disiplinado.





Comments