Pinakamabilis na runners, ready na sa Tarlac finals

Inaasahan na mahigit 900 sa pinakamabilis na mananakbo sa Pilipinas ang lalahok sa 2019 MILO Marathon National Finals sa Enero 19 sa Tarlac City. Siguradong aabangan ang muling pagkikita nina MILO Queen Mary Joy Tabal at 30th Southeast Asian Games Women’s Marathon gold medallist Christine Hallasgo at mga beterano ng SEA Games na sina MILO King Jerald Zabala, Anthony Nerza at Richard Salano.
Mahirap kalimutan ang maaksiyon at puno ng drama na karera nina Hallasgo at Tabal sa SEA Games. Si Hallasgo ang kampeon din sa MILO Metro Manila 42.195-kilometer qualifier noong Hulyo 28 at ito na ang pinakamalaking banta sa anim na sunod na taon na pag-reyna ni Tabal sa prestihiyosong karera buhat pa noong 2013.
Si Tabal ang may hawak ng pinakamabilis na oras sa 21-km sa nakaraang serye ng karera na 1:23:22 noong nagwagi siya sa huling karera sa Cagayan de Oro noong Nob. 17. Sampung karera ang ginanap sa lahat ng sulok ng Pilipinas upang matukoy ang mga lalahok sa National Finals.
Inupo si Zabala bilang MILO King matapos ang hindi inaasahang pagpanaw ni Rafael Poliquit noong Abril. Kampeon si Zabala sa Lucena noong Setyembre 15 habang panalo si Nerza sa Metro Manila kasabay ni Hallasgo.
Naitala ni Salano ang pinakamabilis na oras noong nakaraang taon na 1:11:49 sa Metro Manila 21-kilometer qualifier. Tumakbo si Salano sa SEA Games sa 10,000 metro.
Maliban sa mga nabanggit na pangalan, ilan pang napipisil na lalaban para sa korona ay sina Arlan Arbois ng Davao at Prince Joey Lee ng Cebu na segundo lang ang pagitan sa oras ni Salano at mga dating MILO King na si Jeorge Andrade at Jeson Agravante. Sa panig ng kababaihan, nariyan si Christabel Martes na apat na beses na naging MILO Queen at sina Luisa Raterta, Ruffa Sorongon, Lizanne Abella at Janice Nerza na maybahay ni Anthony.
Magsisimula ang karera sa Barangay Hall ng Poblacion sa kahabaan ng F. Tanedo Street at tutuloy sa Romulo Boulevard hanggang iikot sa Barangay Hall ng Mababanaba. Daraan muli sa Romulo bago magwakas sa tapat ng Tarlac City Hall.
Kung nais sabayan sa kalsada ang mga kampeon, bukas pa ang pagpapalista para sa 21-km, 10-km, 5-km at 3 kilometrong karera. Tumungo lang sa tanggapan ni Konsehal Vladimir S. Rodriguez sa City Hall o bumisita sa www.milo.com.ph.





Comments