Bagong ruta para sa Traslacion 2020
Limang araw bago ang taunang Traslacion, patuloy ang preparasyon para sa mapayapa at ligtas na prusisyon ng Itim na Nazareno.
Kaugnay nito, 10,000 pulis ang itatalaga para magbantay katuwang ang iba’t ibang grupo ng volunteers.
Samantala, inaasahang magiging mas mabilis ang Traslacion ngayong taon dahil sa mga pagbabagong ipatutupad sa ruta.
Hindi umano puwedeng daanan ng inaasahang napakalaking bulto ng mga deboto ang Jones Bridge, McArthur Bridge at Quezon Bridge. Sa halip, sa Ayala Bridge daraan ang prusisyon.
Bukod sa ruta, wala nang ibang pagbabago, hindi rin pipigilan ang mga tao na magbuhat, maghatak at sumampa sa andas.
Ang palagi lang pakiusap sa mga deboto ay maging disiplinado at maingat.
Bagama’t, hindi maitatangging ang mas maigsing ruta ay nangangahulugan ng mas maikling panahon sa pagbabantay sa seguridad, mas mainam pa rin kung magdodoble-ingat.
Bago lumahok sa Traslacion, tiyaking nasa maayos na kondisyon ang katawan. Magsuot ng komportableng damit, magbaon ng pagkain at inumin at magdala ng identification card para sa anumang maaaring mangyari.
Kung buntis, may edad na o may kapansanan, huwag na munang sumama sa
prusisyon. Tandaan, ang himala ay nakabase sa lakas ng ating paniniwala, kaya hindi naman nangangahulugan na hindi ka pagpapalain kung hindi makakasama sa prusisyon. Unahin ang kaligtasan.
Hangga’t maaari, iwasan na ring magsuot o magdala ng mahahalagang gamit at higit sa lahat, kung nasa impluwensiya ng alak, lalong ‘wag nang makiisa nang hindi mapahamak o makapahamak ng kapwa, ‘ika nga, maging responsableng deboto, hindi ‘debote’.
Hangarin natin ang mapayapa at ligtas na Traslacion dahil ito rin ang hangad ng Itim na Nazareno.





Comments