Alamin: Ang Top 10 Stories ng ahedres sa taong 2019

Magkakaibang kulay ang nasaksihan sa larangan ng Philippine chess sa taong nakalipas. Narito ang sampu sa pinakamalaking kaganapan sa larangang ito:
1. Pinakamalaking istorya para sa mga apisyonado ng chess sa bansa ang pagiging unang FIDE Fischer Random World champion ni Grandmaster Wesley So matapos daigin ang tila walang kahinaang si Norwegian GM Magnus Carlsen noong Nobyembre. Masaker na maituturing ang naging sagupaan nina So at Carlsen dahil nagwakas ito sa iskor na 13.5-2.5 pabor sa una. Gulat ang buong mundo, kabilang na ang mga kababayan ni Carlsen na sumugod sa Henie Onstad Kunstsenter Art Museum ng Norway at umaasang magwawagi ang kanilang kampeon at maging undisputed world chess king na hindi lang sa standard, rapid at blitz kundi pati na rin sa larangang kinilala na ng world governing body na FIDE. Ang random chess ay mabilisang ahedres kung saan hindi malalaman ng mga manlalaro ang magiging puwesto ng rook, knight, bishop, queen at king hanggang sa ilang minuto na lang bago magsimula ang isang laro. Dahil dito, halos walang paghahandang magagawa ang chessers. Tinatawag din itong 960 chess dahil may 960 na posibilidad na kombinasyon ng mga piyesa ang puwedeng bumulaga sa manlalaro. At siyempre pa, ang Fischer chess ay galing sa konsepto ng laro mula kay dating world champion Bobby Fischer ng USA.
Matamis at mapakla para sa mga Pinoy ang tagumpay ni So dahil nang magkampeon ito ay hindi bandila ng Pilipinas ang dala niya kundi ang kulay ng USA. Matagal nang nagpalit ng chess affiliation si So matapos na maubusan ng pasensiya sa politika sa bansa.
2. Dalawang titulo ang iniuwi ni IM Paulo Bersamina sa ASEAN Men’s Championships matapos itong mangibabaw sa bakbakang standard chess at blitz chess sa Lungsod ng Bac Giang, Vietnam. Tanging ang korona ng rapid chess ang nakawala sa Pinoy woodpusher noong Nobyembre.
3 - Hinirang namang hari ang tinedyer na si IM Daniel Quizon sa paspasang ahedres ng Pattaya Open Chess Tournament sa Thailand noong Nobyembre rin. Ipinoste ng 15-anyos na si Quizon at may rating na 2208 ang 9 na panalo at isang tabla mula sa 11 rounds ng bakbakan para hiranging runaway winner ng event. Kasama sa mga dinaig ng Pinoy sina GM Roy Saptarshi ng India at Ukranian ace Volodymyr Yaniuk.
4.- Tatlong buwan na ang nakalipas nang makita ang mukha ng hinaharap ng Philippine women’s chess sa katauhan ng musmos na si Antonella Berthe Racasa matapos makakolekta ng mataas na 134.4 FIDE rating points sa 2019 FIDE World Cadet Chess Championships Girls U12 sa Sandong Province, China.





Comments