Norwegian GM Carlsen, hari sa World standard Rapid at Blitz

Pumasok ang 2020 na nakapatong sa ulo ni Grandmaster Magnus Carlsen ang mga korona ng world standard, rapid at blitz chess gaya ng inaasahan matapos na dominahin ng Norwegian ang King Salman World Rapid and Blitz Chess Championships sa Grand Sports Arena ng Luzhniki Olympic Complex sa Moscow bago nagpalit ang taon.
Pero tiyak na naghihimutok si Carlsen dahil nakawala sa kanya ang pang-apat na korona nang makuha ng tubong-Cavite na si GM Wesley So ang kampeonato sa World Fischer Random Chess noong Nobyembre.
Sa rapid tourney, kumamada si Carlsen ng 11.5 puntos mula sa posibleng 15.0 na puwedeng makuha para ilampaso ang kompetisyon. Isang buong puntos sa likod ng kampeon si GM Alireza Firouzja at GM Hikaru Nakamura.
Siksikan sa unang puwesto ang naging resulta sa blitz dahil kapwa may tig-16.5 puntos sina Carlsen at Nakamura pagkatapos ng 21 rounds. Sa faceoff, nagwagi si Carlsen.
Halatang masaya si Carlsen sa “triple crown” niya pero mas masaya sana siya sa Grandslam kung hindi humarang si So at kinuha ang isang FIDE title sa random chess.
Isa sa pinakamalaking istorya para sa mga apisyonado ng chess hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo ang pagiging unang FIDE Fischer Random World champion ng dating World University Games gold medalist na si So matapos nitong daigin ang tila walang kahinaang si Norwegian GM Magnus Carlsen noong Nobyembre.
Masaker na maituturing ang naging sagupaan nina So at Carlsen dahil nagwakas ito sa iskor na 13.5-2.5 pabor sa una. Gulat ang buong mundo, kabilang na ang mga kababayan ni Carlsen na sumugod sa Henie Onstad Kunstsenter Art Museum ng Norway at umaasang magwawagi ang kanilang kampeon at maging undisputed world chess king na hindi lang sa standard, rapid at blitz kundi pati na rin sa larangang kinilala na ng world governing body na FIDE.
Ang random chess ay isang uri ng mabilisang ahedres kung saan hindi malalaman ng mga manlalaro ang magiging puwesto ng rook, knight, bishop, queen at king hanggang sa ilang minuto na lang bago magsimula ang isang laro.
Dahil dito, halos walang paghahandang magagawa ang mga chessers. Tinatawag din itong 960 chess dahil mayroong 960 na posibilidad na kombinasyon ng mga piyesa ang puwedeng bumulaga sa manlalaro.
At siyempre pa, ang bansag na Fischer chess ay nanggaling sa may konsepto ng laro na si dating world champion Bobby Fischer ng USA.
Matamis at mapakla para sa mga Pinoy ang tagumpay ni So dahil nang magkampeon ito ay hindi bandila ng Pilipinas ang dala niya kundi ang kulay ng USA.
Matagal nang nagpalit ng chess affiliation si So matapos na maubusan ng pasensiya sa pulitika sa bansa.





Comments