Magic mushrooms palit sa illegal drugs, may lason kaya mapanganib sa kabataan
- Kuya Win Gatchalian
- Dec 31, 2019
- 2 min read

Happy New Year, mga kasama!
Sa panibagong taon na paparating, wala tayong ibang hangad kundi mapaigting ang kapakanan ng kabataan at mapabuti sila sa kanilang pag-aaral.
Sa ating pagtutulungan at pagkakaisa, sana ay malutas at mawakasan na ang anumang panganib na maaari nilang sapitin.
Tulad halimbawa ng naiulat kamakailan na may mga mag-aaral na gumamit ng “magic mushrooms” o kabute bilang alternatibo sa ilegal na droga.
Isa itong bagay na hindi dapat isinasawalambahala dahil nakasalalay dito hindi lamang ang kanilang kalusugan kundi maging ang kanilang kinabukasan.
Iniulat ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones na may mga mag-aaral na gumagamit ng mga kabute dahil madali itong makita sa mga paligid.
Ayon kay Sec. Briones, maaaring mas mapanganib ang mga ito dahil hindi deklaradong ilegal sa merkado kaya sinuman ay maaaring bumili o makakuha nito kahit saan.
Tunay itong nakababahala pero hindi puwedeng takot lamang ang pagtuunan natin ng pansin. Maraming impormasyon ang dapat nating saliksikin.
Gaano na karami ang naiulat na ganitong uri ng insidente? Paano ito natuklasan ng mga mag-aaral? Saan ito laganap at anu-ano ang naging mga epekto nito sa ating mag-aaral?
Kung alam natin ang mga detalyeng ito, madali para sa ating mag-isip at magpatupad ng mga solusyon para masiguro ang kaligtasan ng kabataan.
Dahil dito, lalong kailangang palakasin ng DepEd ang Drug Prevention Program nito at mahigpit dapat na subaybayan ang mga mag-aaral upang hindi malulong ang kabataan sa mga ipinagbabawal na gamot.
Alam n’yo ba na ang mga kabuteng ito ay may taglay na psilocybin, isang sangkap na hindi ginagamit na panggamot at may mataas na posibilidad na maabuso ng sinumang gumagamit?
Kabilang sa mga epekto ng psilocybin ang panghihina, pagiging antukin at hindi kontroladong paggalaw. Bukod pa rito, may panganib din itong hatid tulad ng pagkalason.
Sa kabila ng kapahamakang dulot nito, may mga pag-aaral na nagsasabing ang “magic mushrooms” ay maaaring gawing lunas sa pagkabalisa o anxiety at depresyon.
Ayon sa Global Drug Survey 2019 na nakakuha ng datos mula sa 120,000 katao sa 30 bansa, wala pang isang porsiyento ng mga lumahok ang humingi ng tulong-medikal pagkatapos nilang gumamit ng “magic mushrooms”.
Ngayong sinusuri ng DepEd ang kanilang Preventive Education Program, mahalaga na masuri kung paano ito tatalakayin sa mas mabisang paraan upang manatiling ligtas ang ating mga mag-aaral.
Bilang tagasulong ng edukasyon at chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, mahalaga para sa inyong lingkod sa puntong ito na maprotektahan natin ang kabataan mula sa panganib na maaaring idulot ng magic mushrooms. Patuloy nating tututukan ang talakayang ito.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments