top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Ignacio, tutumbok sa Joy Cup World Pool

Eddie M. Paez, Jr.
Dec 28, 2019
1 min read

Tutumbok na ang mga malulupit na cue artists mula sa iba’t-ibang bahagi ng daigdig sa pagsargo ng pangwalong Joy Cup World Chinese Pool Masters Grand Finals sa Qinhuangdao Olympic Sports Center sa Qinhuangdao, China simula Enero 2 hanggang 8, 2020.

Inaambisyon ni Jeffrey “Cobra” Ignacio ng Pilipinas na muling makuha ang malaking bahagi ng papremyo sa kompetisyon katulad ng nangyari noong Enero 2019 kung saan pumasok siya sa winners’ circle bilang 4th placer.

Tatlong Chinese cue artists (Haitao Yu, Yun Wang at Fan Yang) ang iba pang mga pumasok sa top 4 sa pampitong edisyon ng sagupaan.

Matatandaang ang 27-anyos na si Ignacio ay nakakopo rin ng isang upuan sa quarterfinals ng 2019 Diamond Las Vegas Open at minsan nang naging runner-up sa China Open.

Sa bakbakang mangyayari sa susunod na buwan, dalawang dosenang cue artists mula sa punong-abalang China ang makikipagtagisan ng husay kontra sa 72 international players (44 sa kanila ay mga overseas qualifiers habang 28 ay magmumula sa qualifying tournaments sa China bago matapos ang 2019).

Halagang $142,000 o RMB 1,000,000 ang naghihintay sa makakaakyat sa trono ng paligsahan sa susunod na buwan habang mag-uuwi ng $42,600 (RMB 300,000) at $14,200 (RMB 100,000) ang makakakuha ng pangalawa at pangatlong puwesto ayon sa pagkakasunud-sunod.

Ang aakyat na cue artist sa pang-apat na baytang ay tatanggap ng $7,100

(RMB 50,000) samantalang magbubulsa ng $ 4,300 (RMB 30,000) ang makakukuha ng panglimang posisyon. Madadagdagan din ang laman ng mga bank accounts ng iba pang bilyaristang sasampa sa top 16.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page