Abangan ang New Marathon King na papalit sa yumaong si Poliquit
- A. Servinio
- Dec 28, 2019
- 2 min read

Sa harap ng tumataas na presyo at iba pang mga suliranin, nanatiling buhay pa rin ang eksena ng fun run at patuloy pa rin ang mga Filipino sa pagyakap ng isang malusog na pamumuhay. Tuloy pa rin ang mga matitibay na prangkisa at may ilan din umusbong na bagong karera na maaring umulit o uulitin sa 2020.
Hindi mawawala sa usapan ang MILO Marathon, ang pinakamatanda at prestihiyosong karera sa bansa. Dahil sa nakaraang 30th Southeast Asian Games, inurong ang National Finals sa Enero 19 sa Tarlac mula sa tradisyonal na unang mga linggo ng Disyembre.
Aalamin kung makukuha muli ni MILO Queen Mary Joy Tabal ang kanyang ika-pitong korona at tiyak malaking hamon ang kanyang haharapin sa katauhan ni Christine Hallasgo na tumalo sa kanya para sa ginto ng Women’s Marathon sa 2019 30th SEA Games. Hahanap ng bagong MILO King para palitan si Rafael Poliquit na pumanaw noong Abril.
Malaking gimik para umakit ng sasali ang mga patakbong serye ng Runrio Trilogy na tinapos ang kanilang pang-10 taon. Kung patibayan ang batayan, hinawakan din ng kampo ng Runrio ang National Geographic Earth Run at PSE Bull Run na parehong higit isang dekada na sa kalsada.
Kung susuriin ang mga numero, makikita na kumonti hindi lang ang dami ng mga karera kundi pati na rin ang bilang ng mga lumalahok dito. Matagal na suliranin sa organizer ang tumataas na gastos at ang hirap na maghanap ng ruta lalo na sa Kalakhang Maynila subalit mahusay ang Pinoy at nagagawan ito ng paraan.
Kahit maraming balakid, may mga grupo tulad ng Pinoy Aspiring Runners (PAR) at Color Manila na patuloy ang pag-alay ng mga payak pero maayos at masayang karera lalo na para sa mga baguhan. Dumarami din ang mga fun run, marathon at ultra-marathon sa mga lalawigan ng Pampanga, Bulacan at Subic sa Hilaga at Laguna, Cavite, Batangas at Quezon sa Timog.
Kasunod sa mahusay na ipinakita na 11 ginto ng Philippine Athletics sa SEA Games, tiyak na magiging susi ito para mabuhay lalo ang interes ng mga mamamayan sa takbuhan. Marami sa mga kasapi ng pambansang koponan ay nagsimula at natuklasan sa fun runs.





Comments