Pelione at Ferrer, mabangis sa MP Cup sa Bacolod city
- Eddie M. Paez, Jr.
- Dec 27, 2019
- 1 min read

Dalawang sariwang disipulo ng ahedres sa Kabisayaan ang nagparamdam ng kanilang tikas bago magsara ang taon sa pamamagitan ng pagkopo ng titulo sa magkahiwalay na kategorya ng 2019 Senator Manny Pacquiao Cup U12 at U16 Chess Championships sa City Mall ng Mandalagan, Bacolod City kamakailan.
Walang nakapigil sa 12-taong-gulang na si Christian Pelione sa kanyang pagsulong tungo sa pitong magkakasunod na panalo mula sa pitong byahe niya sa board upang makaakyat sa trono ng Under 12 na pangkat dala ang walang mantsang kartada.
Napabilang sa mga nakatikim ng bangis ni Pelione, may rating na 1822, sina Zion Grace Apohen, Dmitri Joachim Dane Pineda, Clyde Palma, Rodjhun Jhurell Ferrer, Jecuambs Cuambot, Mar Einre Abanco at Ryien Bahita. Dahil sa walang dungis na paglalaro sa kompetisyon, naiposte rin ng kampeon ang makinang na 2350 performance rating.
Malayong segunda si Ferrer dahil sa kanyang naipong anim na puntos at may kataasang tiebreak points habang tersera sa paligsahan si top seed Kristina Concepcion Belano.
Sa bakbakan ng mga chessers sa U16, hinirang namang kampeon si John Lester Belano (rating: 2043) dahil sa naipong anim na puntos mula sa limang magkakasunod na panalo at back-to-back na hatian ng puntos. Pumangalawa sa kanya si pre-tournament favorite Philgymn Villajuan (5.5 puntos; rating:2104) at pumangatlo si Cedrick Deniel Ignacio (5.5 puntos) sa grupong nilahukan ng may 50 chessers.





Comments