top of page

Mga Pinoy, walang kadala-dala, paputok pa more!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 27, 2019
  • 2 min read

Apat na araw bago ang pagsalubong sa Bagong Taon, may ilan nang naiulat na biktima ng paputok.

Dalawa katao ang unang naitala ng Department of Health (DOH) na biktima, isang apat na taong gulang at isang 23-anyos. Sinundan ito ng anim katao sa Pangasinan na karamihan ay mga bata.

Ang isa ay namulot ng kuwitis sa basurahan at sumabog sa kanyang mukha habang ang iba ay sila mismo ang nagpaputok.

Ang isa pang nakaaalarma ay itong mga diskarte ng mga pasaway na nagtitinda ng paputok.

May ilang tindero na nahuling itinatago ang mga ilegal na paputok sa mga laruang pambata. Meron naman ‘yung mga legal na paputok tulad ng Sinturon ni Hudas at Triangulo ay ipinagkabit-kabit para maibenta bilang mas malakas na paputok na maituturing nang bawal.

Alam nating madiskarte tayong mga Pinoy pagdating sa kabuhayan, pero huwag naman sobra na aabot na sa paglabag sa batas at maaaring ikapahamak ng ating kapwa.

Tayo namang mga mamimili, kung ayaw nating gumamit ng alternatibong pampaingay tulad ng torotot, sandok at kawali, puwede namang manood na lang ng community fireworks display. Kung ayaw din nito, maging responsable na lamang sa paggamit ng paputok.

Unang-una, huwag hayaang maglaro o magpaputok ang mga bata. Pangalawa, iwasang gumamit ng mga ipinagbabawal na paputok para makaiwas sa disgrasya. Babala, bukod sa pagkasugat at tetano, puwede ring magdulot ng respiratory problems ang paputok.

Batay sa tala, noong nakaraang taon ay pumalo sa 340 katao ang naapektuhan ng paputok.

Nasugatan ang 338 katao habang dalawa naman ang nakalunok ng paputok. Karamihan sa mga nagtamo ng firework-related injury ay mga batang edad 5 hanggang 13.

Ang mga bilang na ito ang iniiwasan nating maulit. Kung hindi man natin maabot ang ‘zero-firecracker injury’ ay bumaba man lang ang bilang ng mga nabibiktima ng paputok.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page