top of page

Lifters Diaz at Ceniza, hindi malayong maka-Tokyo Olympics

  • Eddie M. Paez, Jr.
  • Dec 26, 2019
  • 2 min read

Kasalukuyang bumabandera sina Hidilyn Diaz, John Fabuar Ceniza at Mary Flor Diaz sa mga pambato ng bansa sa pagbubuhat ng barbel na naglalayong makapasok sa Tokyo Summer Olympics na gaganapin na sa susunod na taon.

Base sa pinakahuling International Weightlifting Federation rankings, kapwa nasa panglimang puwesto ang dalawang Diaz samantalang nakaupo sa pang-apat na baytang si Ceniza sa kani-kanyang pangkat.

Si Hidilyn ay may natipon nang 3,632.0672 puntos na panglima sa pinakamataas na produksiyon sa mga weightlifters na pinupuntiryang makapasok sa bakbakang 55-kilograms sa kababaihan. Apat na Intsik na lady lifters ang nasa harapan ng pambato ng Zamboanga. Ito’y sina Huihua Jiang (4,667.8878 puntos), Quiyun Liao (4,288.9622 puntos), Wangquiong Zhang (4,212.6639 puntos) at Yajun Li (4,099.0223 puntos). At kung pagbabasehan ang panuntunan ng IWF na isang lifter lang kada bansa ang dapat pumasok sa Olympiad, ang ibig sabihin ay kaya nang pantayan ng Pinay ang kanyang nakuhang pilak na medalya noong 2016 dahil si no. 1 Jiang lang ang papayagang lumaro sa Tokyo mula sa China at susunod na siya.

Magandang development ito dahil ang best lift ni Jiang ay 210 kilos lang kontra sa 214 kilos ng Pinay. Ibig sabihin, maganda ang tsansa niya para sa Olympic gold medal.

Si Ceniza sa kabilang dako ay nakatutok sa mga tumatrangkong sina Korean Chol Yun Om (2,994.4071 puntos), Kastilang Josue Garcia Brachi (2,678.5251 puntos) at Indonesian Suwoto Bin Surahmat Wijoyo (2,598.3111 puntos). Ang best effort ng Pinoy sa 55 kgs na grupo ay ang pagbubuhat ng 262 kilos. Maganda rin ang kanyang pag-asa sa medalya kung titingnan ang kanyang personal rekord.

Sa larangan ng mga kababaihang may timbang ng 45-kilograms, si Mary Flor ay may bitbit nang 2,156.1040 puntos para makaupo sa likod nina SEA Games champion Thi Huyen Vuong (Vietnam, 2,902.0094 puntos), Francesca Floriella Uribe Cueva (Peru, 2,258.7094 puntos), Yulduz Dzhumabayeva (Tukmenistan, 2,180.0068 puntos) at Andrea Manuel Zuluaga Berrio (Columbia, 2,179.0133 puntos).

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page