Nakakalasong lambanog, dapat may managot!
- Editoryal
- Dec 24, 2019
- 1 min read
Noong nakaraang taon, iniulat ang pagkamatay ng hindi bababa sa 15 katao matapos malason sa lambanog.
Ngayong taon, panibagong insidente ang naganap sa Laguna at Quezon. Tinatayang nasa halos sampu na ang nasawi habang higit 200 iba pa ang nalason din at ginagamot.
Sa inisyal na imbestigasyon, wala umanong permit mula sa Food and Drug Administration (FDA) ang lambanog na ininom ng ilang lalaki sa Quezon habang sinusuri pa ang sample mula naman sa Laguna.
Kaugnay nito, pansamantalang ipinasara ang tindahan ng lambanog habang nagsasagawa ng imbestigasyon. Nagdeklara na rin ng state of emergency upang makapaglabas ng pondo para sa mga biktima. Kung mapatutunayang hindi dumaan sa tamang proseso ang nasabing inumin, napakalaking responsibilidad ang dapat harapin ng mga sangkot dito.
Ayon sa mga awtoridad, kung mali ang pagkakagawa ng lambanog na galing sa niyog, methanol ang naipo-produce — ito ay lason. Pero kung mayroon man, dapat umano ay less than one percent lang. Kapag sumobra ay nakalalason na dahil hindi na ito kayang tunawin ng katawan na pagpunta sa atay ay nagiging acid.
Anumang produkto, mula sa pagkain, inumin hanggang sa mga hindi direktang kinokonsumo, lahat ay kinakailangang dumaan sa tamang proseso, sinuri at inaprubahan ng mga kinauukulan, alang-alang sa kaligtasan ng lahat. Dahil kung ipagsasawalambahala ito, sa isang iglap ay napakaraming buhay ang malalagay sa panganib.
Responsibilidad nating siguruhin na hindi lang tayo nagnenegosyo para kumita kundi para maibigay ang pangangailangan at kasiyahan ng ating kostumer. Ngayon, dahil naulit na naman ang ganitong insidente, siguro naman ay sapat na itong dahilan para magtanda tayo, pero kasabay nito ay dapat nang may managot.





Comments