Seguridad sa mga pamilihan, tiyakin at higpitan

Bagama’t, dalawang tulog na lang ay Pasko na, dagsa pa rin sa mga mall at pamilihan ang mga last-minute shopper.
Humahabol para makapamili ng mga regalo at ihahanda, dahilan para mas lalong bumigat ang daloy ng trapiko.
Hindi naman natin masisi ang iba kung ito lang ang pagkakataon nila para makapamili lalo na ang ating mga kababayan na umaasa lang sa pang-araw-araw na kita. Hindi naman lahat ay may regular na trabaho at may inaasahang bonus.
Siguro, ang tanging magagawa na lang natin pare-pareho ay ang magbaon ng matinding pasensiya mula sa trapik hanggang sa pakikipagsiksikan sa mga kapwa mamimili.
Mainam din na pinaplano ang gagawing pamimili. Ilang taon naman na natin itong ginagawa, siguro ay natuto na tayo.
Samantala, may napansin lang tayo sa ilang pamilihan na hanggang ngayon ay tila may pagkukulang pa rin. Napansin n’yo rin ba ‘yung tila ‘super powers’ ng ilang security guards? ‘Yung konting hipo, konting kapa at mabilisang silip sa bag ng customers ay okay na? ‘Pag ganitong dagsa ang mga tao, ang inaasahan sana natin ay mas mahigpit na seguridad.
Okay lang na maabala nang ilang segundo o minuto sa entrance dahil para naman ito sa kapakanan ng lahat. Huwag na nating hintayin na sabayan ng masasaman-loob ang kapaskuhan.
Mahirap ‘yung masyado tayong kampante at ‘pag nagkaroon ng problema, saka magtuturuan.
Pakiusap natin sa pamunuan ng mga mall at lahat ng pamilihan, kahit walang okasyon, tiyakin natin na ginagampanan natin ang isa sa pinakamahalagang serbisyo — ang maging ligtas ang lahat ng mamimili.





Comments