Trapik, mas lumalala dahil sa mga pasaway na drayber
- Editoryal
- Dec 19, 2019
- 1 min read
Kumusta ang daloy ng trapiko? Kaya pa ba?
Nang magbabala ang mga awtoridad na lalo pang gagrabe ang trapik habang papalapit ang Pasko, parang dedma lang dahil sanay na tayo.
Pero, nang pumasok ang ikalawang linggo ng Disyembre, ito na nga, talagang tumindi ang sitwasyon at para na tayong aabutan ng Bagong Taon sa kalsada. Ang isa pang nakauubos ng pasensiya ay ang mga drayber na hanggang ngayon ay hindi pa rin marunong sumunod sa mga batas-trapiko na nagiging sanhi ng banggaan o aksidente.
Batay sa record, mula noong 2010 ay tumataas ng limang porsiyento kada taon ang bilang ng mga salpukan ng sasakyan, partikular sa Metro Manila.
Isa sa mga nakikitang dahilan ay ang maluwag na pagbibigay ng Land Transportation Office (LTO) ng practical exam at lisensiya.
Kung totoong atras-abante lang ang test, ano ang aasahan natin sa mga drayber? Panahon na para higpitan ang pagbibigay ng lisensiya. Hindi na puwede ‘yung mag-a-apply at automatic na mabibigyan. Kailangang malinaw sa aplikante na buhay o mga buhay ang nakataya sa prebilehiyong hinihingi niya.
Bukod sa regular na seminar para sa mga drayber, malaking tulong din kung mas palalawakin ang pagtuturo ng mga batas-trapiko sa eskuwelahan.
Dapat kasama ‘yan sa ‘basic skills’ ng kabataan para kapag kinailangan na nilang kumuha ng lisensiya ay hindi na sila mapabilang sa mga pasaway.
Kung hindi lang kalabisan na kapag napatunayang walang ‘K’ na magmaneho, eh, bawian na agad ng lisensiya nang hindi na makapamerhuwisyo pa.





Comments