Casimero, atat kay Inoue na WBA at IBF champ sa Marso

Ang makuha ang lahat ng titulo sa bantamweight division. Isang pangarap na tila hindi naman malayo sa katotohanan ang binitawang salita ni newly-crowned World Boxing Organization (WBO) bantamweight regular champion Johnriel “Quadro Alas” Casimero (29-4, 20KOs), kahapon ng umaga sa PSA Forum sa Amelie Hotel sa Manila.
Matapos agawan ng korona si dating 115-pound titlist Zolani Tete ng South Africa sa pamamagitan ng pagpapasuko rito sa 3rd round noong Nob 30 sa Arena Birmingham sa United Kingdom; gusto rin nitong makuha ang mga titulo mula kina pound-for-pound fighter at International Boxing Federation, WBA super at The Ring 115-lbs titlist Naoya “The Monster” Inoue (19-0, 16KOs) at World Boxing Council champ Nordine Oubaali (17-0, 12KOs) ng France.
Tila magsisimula nang matupad ang kagustuhang maging ‘unified champion’ ng 29-anyos na tubong-Ormoc City dahil malaki ang posibilidad na magkaharap sina Casimero at Inoue sa Abril sa 2020. “Gustong kong makalaban si Inoue para magkaalaman na kung sino ang mas magaling sa aming dalawa,” pahayag ng three-division champion. “Gusto kong makuha lahat ng limang titles (unification) iyong lahat-lahat na. Kahit kanino kina Inoue at iyong WBC champ,” dagdag nito.
Inamin ni MP Promotions president at international matchmaker Sean Gibbons na nakipag-usap na ang kanilang kampo sa panig ni Inoue na Top Rank Promotions ni Bob Arum; kinakailangang maghanda ang mga ito ng 75-90 days bilang preparasyon sa nilulutong laban na maaaring maganap sa Las Vegas o Los Angeles, California sa U.S.
“If the fight can happen in April, then they can complement each other having the same style and the power. I see a match made in heaven,” wika ni Gibbons, na sinabing kayang talunin ni Casimero si Inoue dahil nakikita nitong halos pareho sila ni Nonito “The Filipino Flash” Donaire ng galawan, kung babasehan ang galaw ng huli pitong taon na ang nakalipas. “He’s like Nonito 7 years ago, having the same style and power to match Inoue. Just show how you work hard having a good people behind you. We don’t see the best of Casimero,” eksplika nito.
Kumpiyansa naman si Casimero na kaya niyang talunin ang 26-anyos na Japanese slugger dahil nakikita niya ang mga kahinaan nito na sa tingin niya ay kaya niyang pasukan at tamaan. “May lakas talaga siya pero nakikita kong may opening sa kanya. Kapag natamaan ko siya tingin ko mapapabagsak ko talaga siya. May chance na mapapabagsak ko siya,” optimistikong pahayag ni Casimero.
Naniniwala si Gibbons na sa tamang preparasyon at magandang kondisyon ni Casimero ay kaya nitong totohanin ang sinabi nito, lalo na’t nakatuon ang atensyon ng promotional outfit nitong Top Rank na ganapin lahat ng laban nito sa Estados Unidos kaya’t malaking laban ang dala ni Inoue.
“Just one shot in 2020. He always wants to fight in the US. He (Casimero) should have the right settings and truly understand his skills, he can really accomplish anything in his life,” wika ni Gibbons. “After all, his already living and training in Las Vegas.”





Comments