Sining ng damdamin ni: Victor C. Medina
- What's In, Ka-Bulgar
- Dec 16, 2019
- 1 min read

Ang aking daliri’y naglalarong muli,
isip ko’y ilanlang, sa nasang tumagpi,
hanggang ako’y isang pusong naging sawi,
sa lumbaying himig, ako’y maglalagi.
Hindi ko mapigil ang sikat ng araw,
ang mga sandali’t oras sa paggalaw,
ang mga kundimang tunay at halaw,
sa aking damdaming, tigib pa ng panglaw.
Ang aming soneto’t, sonata ng puso,
sa tugmang maluho’y, hindi ko itinago,
ang sigla ang galak, pati ang siphayo, sa aking kudyapit, katha’y sinusuyo.
Kaya’t sa ulit ng aking panaghoy, yaong hinanaing, muli pang dadaloy, sa akda’t talata’y, aking itutuloy,
ng maging kalmado, akong minsa’y ‘luoy.
Hindi naglalaho ang aming umpisa,
ang gitna’t dulo ng aming gunita,
ang mga pahina ng aming musika,
sa likod ng diwa’y nakakalkal ko pa.
Ilang saknong pa ba ang dapat kong gawin,
upang ang nagdaan ay ‘di na awitin?
Nitong panitik kong ayaw pang limutin,
lisanin s’yang sintang, ngayon ko pa’y daing.
Magandang araw, mga bes! ‘Wag nang magpahuli sa trend at i-share na ang inyong #Hugot at i-confess mo na, bes ang matagal mo nang gustong aminin sa bagong column ng BULGAR na WHAT’S IN, KA-BULGAR? Ito na ang perfect timing para ma-publish ang laman ng inyong damdamin kaya mag-send na ng personal message sa aming official Facebook page – www.facebook.com/BULGAR.OFFICIAL. Hihintayin namin ang PM n’yo, mga bes, hindi ‘yung puro kayo na lang ang naghihintay sa wala. Char!





Comments