Panghatak sa MMFF movie... Coco, nagbuyangyang uli
- Vinia Vivar
- Dec 14, 2019
- 2 min read

Bitbit-bitbit pa rin ni Coco Martin ang karamihan sa mga co-stars niya sa FPJ’s Ang Probinsyano sa 3Pol Trobol: Huli Ka Balbon na entry to the 45th Metro Manila Film Festival. Sama-sama pa rin sila nina John Prats, Mark Lapid, Long Mejia, Jhong Hilario, Sancho delas Alas, Pepe Herrera, Carmi Martin at marami pang iba.
Ayon kay Coco, magagaling na artista rin kasi ang mga co-stars niyang ito at gamay na niya.
“Kasi siyempre, ‘pag ikaw ang nagdidirek, ayaw mo nang isipin na magwo-workshop ka on the set o tuturuan mo pa. Siyempre, kung saan ka na mas komportable, kilala na ang ugali mo, alam na nila ‘yung pacing mo. Kumbaga, parang nagtatrabaho ako na katrabaho ko ang kapamilya ko.
“Kaya sila po ang lagi kong kasa-kasama sa kahit ano’ng ginagawa ko. Saka sila po talaga, maaasahan mo in terms of kahit saan – promo, lahat ng ano – hindi na kami nag-uusap-usap, automatic na ‘yan na nagkakaintindihan na po kami. Talagang higit pa sa barkada at pamilya ang turingan po namin,” pahayag ni Coco sa grand mediacon ng 3Pol Trobol.
Pero kahit mga taga-FPJAP ang kasama niya sa movie, aminado naman si Coco na talagang may conscious effort on his part na ibahin ito completely sa kanilang serye at hindi puwedeng kung ano ang nakikita sa TV ay makikita rin sa big screen.
“Sobra. Kasi, alam ko naman ‘yun, eh. Kumbaga, ako rin ang creative ng Probinsyano, alam ko na hindi pupuwedeng napanood mo na ‘yung papanoorin mo rito. Kasi siyempre, mapapahiya ako. Ako ‘yung gumagawa ng Probinsyano, ako rin ang gumagawa nito, tapos ‘pag pinanood mo, parang pareho lang,” ani Coco.
Definitely ay ibang-iba raw ang mapapanood ng mga tao sa movie.
“Iniba ko siya. Definitely, magkalayung-magkalayo ‘yung karakter ko, tapos sabi ko, kung nag-Paloma man ako rito, ibang-ibang Paloma siya. Kumbaga, times 5,” dagdag pa ni Coco.
Si Paloma ay ang babaeng karakter ni Coco sa FPJAP na matatandaang talaga namang pinag-usapan noon. Mapapanood ulit si Paloma sa 3Pol Trobol at sey ng aktor, itinodo na niya ang portrayal.
“Sinagad ko na siya. Sabi ko nga, huling beses ko nang gagawin ‘yung karakter ni Paloma, sasagarin ko na.
“So ngayon, ‘pag ina-analyze ko, ano’ng pinakamahirap na pelikulang ginawa ko? Eto,” sambit pa ni Coco.
“Kasi, ang hirap. ‘Pag nakita nila ‘yun na ang hirap magbihis-babae, talagang in-effort-an ko, lahat ng looks ko, talagang iniba-iba ko. Hindi ako ‘yung parang palit-make-up lang, lahat, contact lens, kuko, palit. Ako ‘yung pinakamaagang dumarating sa set kasi nga, 1 ½ hours akong mine-make-up-an, tapos bibihisan ako ng kung anu-ano’ng inilalagay sa akin para maging sexy.”
Natatawang kuwento pa niya, lahat daw ng palaman ay inilagay sa kanyang katawan para maging sexy.
Pero ang rebelasyon ni Coco, nagpakita siya ng puwet sa movie bilang Paloma. Naka-swimsuit daw siya sa isang eksena nila ni Jennylyn Mercado.
“Napasubo ako. Pero ibang-ibang Paloma, talagang sinagad ko na,” ani Coco.
Si Jen ang leading lady ni Coco at kasama rin sa movie sina Ai Ai delas Alas and Sam Milby. Aside from being the lead star and the direktor, ang aktor din ang nagsulat ng script at nag-produce under his CCM Productions.





Comments