Be ready, beshies! Tips para hindi magkasakit habang nasa biyahe
- BULGAR

- Dec 14, 2019
- 2 min read
No Problem

Siguradong marami na sa inyo ang nagpaplanong magbakasyon, mapa-out-of-the-country man ito o sa Pilipinas. At siguradong marami na rin kayong alam na safety at tipid tips na mapakikinabangan sa pagbabakasyon.
Pero ngayon, narito ang ilang tips para hindi magkasakit habang nasa biyahe o eroplano:
1. MAGHUGAS NG MGA KAMAY. Ayon kay Dr. Caudle, ang paghuhugas ng mga kamay ay dapat gawin nang madalas at hindi kung kailan mo lang mararamdaman na marumi ito. Maghugas ng mga kamay bago at pagkatapos kumain, gumamit ng banyo, kapag hinawakan ang mga bagahe, doorknob at cellphone. At dahil dito, inirerekomenda ang pagdadala ng antibacterial soap at hand sanitizer kapag sasabak sa mahabang biyahe.
2. HUWAG HAWAKAN ANG MUKHA. Alam natin na hindi dapat hawakan ang mukha kapag marumi ang mga kamay at lalo itong hindi dapat gawin kapag nagta-travel. Sey ng mga expert, hindi dapat hawakan ang mga mata, ilong at bibig upang mabawasan ang tsansa sa pagkakaroon ng impeksiyon.
3. MAGDALA NG HAND SANITIZER. Bukod sa alcohol, isa ito sa mga hindi dapat kalimutan kapag nasa bakasyon dahil siguradong mapakikinabangan n’yo ito kapag wala kayong oras para pumunta sa CR upang maghugas ng mga kamay. Gayunman, kahit nakapaghugas ka ng mga kamay, dapat itong sundan ng paggamit ng hand sanitizer para makasiguradong walang naiwang dumi.
4. HUWAG BASTA-BASTANG HUMAWAK NG MGA BAGAY. Kung hindi naman kailangang hawakan ang mga bagay, huwag na itong gawin dahil hindi natin alam kung sino ang huling humawak ng bagay na ‘yun o kung malinis ang mga kamay niya nang hawakan ang naturang mga bagay.
5. BRING YOUR OWN. Kung keri mo naman, besh, magdala ng sarili mong unan at kumot sa hotel para makasigurado na ikaw lang ang gagamit at malinis ito. Gayundin, magbaon ng packed meal sa eroplano o biyahe para maging kampante na healthy at malinis ang kakainin n’yo.
Out-of-the-country man o hindi ang mga bakasyon mo, siguradong magagamit mo ang ilang tips na ito. ‘Ika nga nila, huwag kalimutan ang kalusugan kahit nasa bakasyon dahil hindi ka mag-e-enjoy kung maiiwan ka lang sa hotel kapag nagkasakit ka. Gets mo?




Comments