Forever contractual ng mga gov‘t. employee, wakasan na

Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang panukalang nagbibigay ng karagdagang bayad sa mga empleyado ng gobyerno na nagtatrabaho na lagpas sa kanilang regular na working hours. Aprub naman dito ang Civil Service Commission (CSC).
Sa nasabing panukalang-batas, mabibigyan ang mga kawani ng night differential pay nang hanggang 20 porsiyento ng kanilang hourly rate mula alas-6:00 ng gabi hanggang alas-6:00 ng umaga.
Good news ito sa mga kawani na nagiging mas lantad sa sakuna at disgrasya. Iba pa rin ang trabaho sa umaga kumpara sa gabi kung kailan nagaganap ang kalokohan ng mga pasaway.
Pero, higit sa namumurong dagdag-sahod, wala pa ring tutumbas sa kaligayahang maidudulot kapag naging regular na ang mga empleyado sa gobyerno.
‘Yung iba, inabot na nang dekada sa city hall, hanggang ngayon ay job order pa rin. Kakaba-kaba kung hanggang kailan mare-renew. ‘Pag nagkapalitan na ng mayor, mas grabe ang kaba.
Kung talagang sincere ang administrasyong ito laban sa kontraktuwalisasyon, bakit hindi unahin ang mga nasa mismong bakuran nito?
Ang mga kontraktuwal na empleyado ng gobyerno ang kumakatawan sa mga halal na opisyal na naglalakihan ang suweldo. Bago pa umabot sa itaas ang problema ng publiko ay nasolusyunan na nila. Suklian naman natin ang kanilang paglilingkod.
‘Yung iba sa kanila, halos nabaon na sa utang, kaliwa’t kanan ang sideline mairaos lang ang mga gastusin at pag-aaral ng mga anak.
Panahon na para sila naman ang makaramdam ng ginhawa na mula mismo sa gobyerno.
Ibigay na ang nararapat na suweldo at benepisyo at ang matagal nang hinihintay na kasiguraduhan sa trabaho.





Comments