top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

‘Pinas, ginagawang sex den ng mga dayuhan, bastusan na ‘to!

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 11, 2019
1 min read

Nakaaalarma na ang halos sunud-sunod na kaso ng prostitusyon sa bansa. Iba’t ibang lugar ang ginagawang sex den — condo unit, spa, bar at pati resorts.

Hindi lang mga Pinay ang inilalako kundi maging ang mga dayuhan.

Kamakailan, halos araw lang ang pagitan nang salakayin ang isang club, apartment at hotel, buking ang negosyong “sex for sale” at huli rin ang mga parukyanong dayuhan.

Patunay na sadyang talamak ang prostitusyon na tila wala silang kinikilalang batas sa Pilipinas

Baka hindi nila nauunawaan na sa ilalim ng Revised Penal Code, maaaring managot ang mga masasangkot sa sex trade sa bansa. Puwedeng ma-deport ang mga dayuhan at mananagot din sa human trafficking ang mga tinaguriang bugaw.

Ang masaklap, may mga kaso na ang dayuhang binitbit sa bansa ay walang kaalam-alam sa trabahong papasukan. Akala nila ay legal, ‘yun pala ay kababuyan.

Ayon pa sa batas, umaabot ng 12 hanggang 17 taon ang sentensiya sa mga mapatutunayang sangkot sa prostitusyon. Maaaring ma-blacklist din ng Bureau of Immigration ang mga dayuhang masasangkot dito.

Ang malaking tanong, sa dami na ng ni-raid at nahuli sa akto, may nasampulan na ba ang ating gobyerno?

Nakapagtataka na sa kabila ng mabigat na parusa ay namamayagpag pa rin ang gawaing ito.

Malinaw na wala sa batas ang problema kundi sa pagpapatupad o marahil, kailangan ng mas mabigat na parusa.

Nananawagan tayo sa ating mga opisyal at alagad ng batas, bukod sa ilegal na droga, tutukan din sana natin ang prostitusyon. Hindi lang mga kababayan natin ang pinagkakakitaan ngayon. Huwag nating hayaang gawing malaking sex den ang Pilipinas, ngayon pa lang ay palayasin na ang mga dayuhang bumababoy sa ating bayan.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page