Pinoy, super proud pa rin kay Miss Philippines Gazini Ganados
- BULGAR

- Dec 10, 2019
- 2 min read
Bagaman, hindi natin nasungkit ang target na back-to-back victory sa Miss Universe 2019 Pageant, super proud at binabati pa rin natin si Miss Philippines Gazini Ganados sa kanyang ipinakitang ganda, talino at talento.
Nagpapasalamat tayo sa kanyang ibinigay na karangalan na mapasama sa Top 20 mula sa 90 kandidata na may taglay na kani-kanyang pambihirang katangian at kahandaan para sa nasabing prestihiyosong kompetisyon.
At tulad ng nasa speech ng ating bagong beauty queen, lahat ay dapat na umuusad, “No one shall be left behind.” Patuloy tayong maging inspirasyon para sa isa’t isa at tulungan ang mga pinanghihinaan ng loob at nawawalan ng pag-asa.
At siyempre, binabati rin natin si Miss Universe 2018 Catriona Gray, para sa isang matagumpay na taon. Pinatunayan niyang karapat-dapat siya sa korona.
Nag-iwan din siya ng mensaheng ‘ika nga, eh, pang-reyna talaga. Aniya, “When we raise our voices together, the words ‘woman power’ become more than just a phrase. They become a movement.”
Congratulations din sa pinakabagong Miss Universe na si Miss South Africa Zozibini Tunzi, na powerful yet heartfelt ang speech — walang sukatan ang kagandahan, hindi sa kulay ng balat at hindi rin sa buhok.
Samantala, taong 1969 nang unang beses nating naiuwi ang Miss Universe crown na nakuha ni Gloria Diaz nang lumaban siya sa Florida, USA. Makalipas ang apat na taon, napanalunan ulit ang korona.
Taong 1973 nang sumabak at nagwagi si Margie Moran sa Miss Universe na ginawa sa Athens, Greece.
Si Pia Wurtzbach naman ang nagdala sa Pilipinas ng ikatlong korona na tumatak ang pagkapanalo dahil nagkamali noon sa pag-anunsiyo ang host na si Steve Harvey. Binawi ang korona kay Miss Colombia at isinalin kay Pia.
Noong nakaraang taon ay naiuwi ulit ng Pilipinas ang korona nang manalo naman si Catriona Gray.
Muli, congratulations, Miss Philippines Gazini Ganados, ikaw pa rin ang aming 2019 Miss Universe!





Comments