Tips para ipaunawa kay bagets na hindi dapat mag-expect ng regalo tuwing Pasko
- Jersy Sanchez
- Dec 3, 2019
- 2 min read
No Problem

Ipinagdiriwang natin ang Pasko dahil kaarawan ni Jesus Christ at dahil dito, nakasanayan nating magbigay ng regalo sa ating mga mahal sa buhay, lalo na sa mga bata. Ngunit hindi naman natin kailangang gumastos para magbigay ng regalo, mga besh! Dahil ‘ika nga nila, ang Pasko ay kaarawan ni Jesus Christ at Siya ang dapat regaluhan. Gayunman, narito ang ilang paraan para ipaunawa kay bagets na hindi siya dapat mag-expect ng regalo:
1. IPAALALA NA HINDI NIYA KAARAWAN. Bagama’t, nakasanayan na natin na bigyan ng regalo ang mga bata, hindi naman talaga ito kailangan dahil tulad ng nabanggit, si Lord ang may kaarawan at hindi siya. Huwag kang mag-alala kung magtatampo siya dahil puwede mo namang ipaliwanag ang dahilan at siguradong mauunawaan din niya na hindi siya dapat bigyan ng regalo.
2. HINDI MAHALAGA ANG MATERYAL NA BAGAY. Ipaunawa sa kanya na hindi mahalaga ang mga materyal na bagay tuwing ipinagdiriwang ang Pasko dahil mas mahalaga ang pagmamahal at oras para sa pamilya. Sa paraang ito, mas mararamdaman ang tunay na diwa ng Kapaskuhan.
3. ANO ANG DAPAT IREGALO KAY JESUS CHRIST? Alam natin na nasa Kanya na ang lahat. Kaya for sure ay mapapaisip tayo kung ano ang ibibigay sa Kanya mga besh. Ang tanging maibibigay natin sa Kanya ay ang ating buhay at ito na ang pinakamagandang regalo na matatanggap Niya mula sa atin.
4. MAGING MABUTI SA KAPWA. Isa pa na puwede nating ipaalala sa ating mga anak at inaanak ay gumawa ng mabuti sa kapwa, maging mabait, masunurin at mapagbigay sa kapwa bata para matuwa si Jesus Christ. Sa paraang ito, hindi man sila nakatanggap ng regalo, nakapagpasaya naman sila ng ibang tao.
‘Yan ang katotohanan, mga ka-Bulgar. Ipaalala sa mga bagets ang dahilan kung bakit natin ipinagdiriwang ang Kapaskuhan, ang tunay na diwa ng Pasko at kung sino ang dapat regaluhan.
Wala namang masama kung hindi tayo magbibigay ng regalo at paraan din ito para makatipid dahil mahirap na ngayon ang buhay. Copy?





Comments