Duathlon, online chess at MTB, 2nd day golds

Tumakbo ng gold medal finish si Duathlete Monica Torres matapos manguna sa women’s Duathlon kahapon ng umaga sa 2nd day ng pormal na kompetisyon ng 30th Southeast Asian (SEA) Games sa Subic Bay Boardwalk sa Zambales.
Rumehistro ito ng 2:08:44 sa bike-race event sa 10-km run, bike at 5-km run upang makuha ang kampeonato. Mahigpit ang naging pagsasanay ni Torres para makuha ang kampeonato matapos lumahok sa Asian Elite categories ng Powerman Asia Duathlon Championships.
“Medyo kabado ngayong araw, lalo na’t na-sweep natin yung Triathlon kahapon (Linggo) tapos alam pa nating malakas ang mga kalaban natin kaya hindi dapat masyadong kumpiyansa,” wika ni Torres.
Sumunod sa kanya si Sonsem Pareeya ng Thailand sa oras na 2:11:18, habang natapos ni Vietnamese Nguyen Thi Phuong Trinh ang bronze medal sa oras na 2:14:20.
Samantala, nabigo si duathlete Joey Delos Reyes na makuha ang kampeonato sa men’s Duathlon nang pumangalawa lang ito sa oras na na 1:53. 04 na pinangunahan ni Jauhari Johan ng Indonesia sa oras na 1:52.51 para sa gold medal, habang nakuntento sa bronze medal si Nattawut Srinate ng Thailand sa 1:53:05.
Dalawang gold medal ang kinamkam ng downhill sa cycling event ng men’s division na ginanap sa Tatlong Bungo sa Batangas.
Rumehistro si Derrick Farr ng 2:41.143 minutes upang talunin ang team mate nitong si Eleazar Barba na pumasok sa 2:1.360 para sa silver medal. Nakuha naman ni Andy Prayoga ng Indonesia ang bronze medal sa oras na 2:47.868.
Nakuha ni Lea Denise Belgira ang ikalawang ginto ng cycling sa women’s downhill event nang umoras ng 3:09.781 kasunod si Tiara Andini Prastika ng Indonesia para sa silver medal habang napunta ang bronze kay Vipavee Deekaballes ng Thailand sa 3:17.607.
Samantala, patuloy na nanaig ang tambalang Cherry Ann Rondina at Bernadeth Pons sa women’s beach volleyball preliminary rounds nang dominahin ang Malaysian pair sa iskor na 21-13, 21-9, Lunes ng umaga sa Subic Tennis Court.
Tinalo ng ‘Si-Pons’ ang samahan nina Mae Tasha at Tan His Yan upang makuha ang ikalawang panalo sa kumpetisyon.
Noong unang araw ng mga karera noong Linggo, nakuha nina Nino Surban ang pilak at Edmhel John Flores ang tanso sa Men’s Cross Country sa likod ng kampeon na si Keerati Sukprasart ng Thailand.
Tanso si Avegail Rombaon sa panig ng kababaihan subalit hindi natapos ng kakamping si Ariana Dormitorio ang karera dahil sa nasirang bisikleta.
Samantala, sa limang ginto ng dancesport, tatlo rito ay mula sa tambalan nina Wilbert Aunzo at Pearl Marie Caneda sa mga sayaw na Samba, Chachacha at Rumba.
Ang isa pang Pinoy pares na sina Michael Angelo Marquez at Stephanie Sabalo ang nanalo sa Paso Doble at sa Latin Open o kombinasyon ng limang sayaw.
Ang nag-iisang ginto na lumusot sa Pilipinas ay para sa Jive kung saan panalo ang mga taga-Vietnam na sina Nguyen Doan Minh Truong at Nguyen Trong Nha Uyen kung saan nakakuha sila ng 32.713 puntos mula sa mga hurado kumpara sa 32.650 nina Marquez at Sabalo na nakuntento sa pilak.
Sa Men’s Breakdancing, nagtapos sa ika-apat at huling puwesto si Randolf Jay Bagalawis sa likod ng mga nag-medalya na sina Sam Jee Lek ng Malaysia (ginto), Lee Huu Phuoc ng Vietnam (pilak) at Jeremy Sim ng Singapore (tanso).
Natalo si Debbie Mahinay kay Dwi Desyana ng Indonesia, 3-2, sa kanilang dwelo sa Women’s Breakdancing na naging demo sport dahil dalawang bansa lang ang lumahok.
Samantala, sinikwat ni International Master Jan Emmanuel Garcia ang pinakaunang gintong medalya ng Pilipinas sa larangan ng online chess sa SEAG na idinaraos sa Travellers Hotel sa Subic noong Linggo ng gabi.
Dalawang Grandmasters ang pinabagsak ni Garcia sa kanyang pagrerehistro ng apat na panalo at tatlong tabla para makalikom ng walang pagkatalong 5.5 puntos pagkatapos ng 7 rounds.
Ang kanyang mga nabiktima ay sina topseed GM Rogelio Antonio Jr. nung round 1 at si Indonesian GM Susanto Megaranto sa round 5. Nakatikim din ng bagsik ni Garcia, bahagi ng Ateneo De Manila chess team bilang program manager, sina Thai Tinnakrit Arunnuntapanich (round 2) at Singaporean John Kong Fan Wong (round 3).
Kasalukuyan pang humahataw ang mga rapid chessers sa kalalakihan at kababaihan ng bansa habang isinusulat ang artikulong ito. Nasa tamang landas pa rin si Garcia para makakuha ng pangalawang ginto matapos itong makapagsubi ng 1.5 puntos at makisosyo sa trangko kasama ng tatlong iba pang dayuhan.
Si Woman International Master Catherine Secopito naman ay nasa lead pack din dahil sa kanyang malinis na kartadang dalawang panalo. Kasama niya sa unahan ng pulutong ang isang Indonesian (WFM Ummi Fissibilillah) at isang Singaporean (WGM Qianyun Gong).





Comments