Yayaman, pero magiging kuripot at walang pakisama para hindi maubos ang pera
Maestro Honorio Ong

Katanungan
Napansin ko na straight ang Head Line sa aking mga palad. Ibig sabihin ba nito ay yayaman din ako? Kung oo, kung magiging kuripot ako at walang pakisama ay ayaw ko nang yumaman? Nabasa ko sa mga dating artikulo n’yo na para yumaman ay dapat magkuripot.
Puwede bang yumaman kahit hindi maging kuripot at ganu’n ba talaga, lahat ng yumayaman ay nagiging kuripot at walang pakisama?
Ano ang nakikita n’yo sa guhit ng aking mga palad? Yayaman ba talaga ako, kasi bukod sa straight ang Head Line ko, ang isa pang napansin ko ay konti lang din ang guhit ng aking palad at malaman at makapal din ito? Ito ay mga indikasyon sa palad na sabi n’yo ay yayaman ang taong may ganitong uri ng palad.
Kasagutan
Hindi naman lahat ng mayayaman o yumayaman ay kuripot at walang pakisama, sa halip, ang mas angkop na sabihin ay karamihan lang sa kanila. ‘Yun ang eksaktong salita, karamihan sa kanila ay kuripot at walang pakisama dahil kahit ikaw naman sila, kung hindi ka magkukuripot at galante ka sa pera, paano mo mapananatili ang iyong kayamanan? Dahil kapag nagwaldas ka o hindi ka masinop sa buhay, mauubos ang kayamanan mo kahit gaano pa ‘yan karami.
Dagdag pa rito, kung hindi ka magkukuripot at magsisinop sa kabuhayan, baka kahit sabihin pang super-milyonaryo ka ngayon, dahil naging bulagsak ka at hindi mo iniingatan ang iyong kayamanan, mga isa, dalawa o tatlong taon lang, simot na agad ang kabuhayan mo at babalik ka ulit sa dati mong buhay na mahirap pa sa daga.
Kaya ‘yung mayayaman na napapansin n’yong sobrang kuripot, hindi natin sila dapat sisihin, bagkus, dapat natin silang tularan kung gusto nating yumaman at mapanatili ang natamo nating maunlad na pamumuhay.
Samantala, Raymart, tama ka, kandidato ka sa pagyaman, sapagkat kapwa naging straight ang Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na sa ayaw at sa gusto mo, may panahong darating sa iyong buhay kung saan ang ugali mo'y magiging materyoso ka at tuso pagdating sa pera. Hindi mo mahahalata ‘yun o mapapansin sa iyong sarili, bagkus, mentras lumalago ang iyong kabuhayan at kumakapal ang perang naipon mo, lalo mo rin itong mamahalin at pahahalagahan dahil bago mo nakamit ‘yan, naranasan mo kung paano apihin dahil sa pagiging mahirap.
Ang mga pang-aapi na iyong naranasan ay nanuot sa unconscious mong isipan, hindi mo lang mabigkas, “Magpapakayaman din ako at kapag mayaman na ako, hindi ko kayo tutularan, magiging mabait ako sa mga tulad kong dating mahirap!”
Kaya lang, kalahati lang ng ipinangako mong ‘yan ang mangyayari. Yayaman ka, pero ang kasunod nito, hindi mo na magagawa. Dahil tulad nila, kapag nasa pedestal ka na ng totoong mayamang-mayaman, hindi mo mamamalayan, isa ka na rin sa mga kuripot, makunat at “sobrang belekoy” sa inyong barangay o sa lipunang iyong ginagalawan.
Mga Dapat Gawin
Ayon sa iyong mga datos, Raymart, tulad ng inaasahan, nakatakda kang yumaman sa edad mong 55 pataas sa 2028 at sa panahong ‘yun, kung hindi mo gagayahin ang estilo ng pamumuhay ng mga kakilala mong mayayaman, hindi naman sa kuripot, sa halip, sinisinop ang natamo niyang materyal na bagay, ang Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow b.) na nahulog sa pagitan ng iyong mga daliri ang nagsasabing magugulantang ka na lang sa mangyayari, mabilis na masisimot ang iyong kabuhayan at muli kang babalik sa dating hikahos at naghihirap na pamumuhay.
Kapag nangyari ‘yun, bigla mong maaalala ang sinabi ko at sasabihin mo sa iyong sarili: “Tama pala si Maestro Honorio Ong, upang umunlad at mapanatili ang kayamanan, kailangang maging masinop sa buhay.” Sa ganu’ng paraan, tuluy-tuloy kang uunlad at mapananatili mo ang iyong kayamanan na maaari pang manahin ng iyong mga anak, apo at susunod pang mga henerasyon ng inyong saling-lahi.




Comments