top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Pagsagip sa 62 pasahero ng barko, sumubok sa tatag ni Barajan

  • Nympha Miano-Ang
  • Dec 2, 2019
  • 3 min read

Bayani, hinahangaan, sila ang nagpapaisip sa atin sa tunay na pananaw natin sa mundo. Kapag nakakasaksi tayo ng mga nagpapakabayani, nakatataba ng puso na sila ay pina­ha­ha­lagahan at minamahal ng taumbayan. Tulad ni Petty Officer Second Class (PO2) Ralph Ofalla Barajan ng Philippine Coast Guard (PCG), tubong Bohol Province, hindi nagdalawang-isip na sagipin ang may 62 pasahero ng MV Siargao Princess na naglalayag noong unang Linggo ng Nobyembre sa karagatan ng Cebu.

“Ayokong makakita ng isang taong mamamatay sa harapan ko kung kaya ko namang tulungan at sagipin.” Iyan ang unang naisip ni PO2 Barajan nang salpukin nang malakas na alon habang naglalayag sa karagatan ng Sibonga, Cebu ang kanilang barko at nang mapasok ng tubig ay unti-unti na itong lumulobog.

Nag-panic na ang mga pasahero, nagkani-kanya nang suot ng life vest at saka nila isa-isang pina­sakay sa life rafts.

Bagama’t nanghihina na siya noon dahil sa akyat- baba niya sa deck para iligtas ang mga pa­sahero, binalikan pa niya ang isang matanda na ayaw bumitaw sa pag­kakahawak sa lumulu­bog na barko. Sinuntok niya ang kamay nito para makabitaw at makalundag sa life rafts.

Isa pang nagpahirap sa kanila ay ang lakas at laki ng mga alon, habang pinagtali-tali niya kasama ang 7 crew members ang mga life rafts upang hindi maghiwa-hiwalay ang mga sinagip nilang pasahero.

Tinuruan pa niya ang mga ito na kumapit nang mabuti at kung paano huminga nang tama habang hinahampas sila ng malalakas na alon. Walang nasawi sa insidente dahil na rin sa kabayanihan ni Barajan at ligtas silang lahat na naiahon sa Pier 1 ng Cebu City nang i-rescue ng PCG.

Dahil sa kabayanihan at katatagan ni Barajan na hinangaan ng BULGAR, aniya sa panayam, “Marami na po ang nagpasalamat na sa akin, pati po mga kamag-anak ng mga nasagip.”

Hindi lang ito ang unang pagkakataon na nakapagligtas siya ng mara­ming buhay. Kuwento niya,”May mga pagkakataon na merong nadidisgrasya sa amin sa motor, kami mismo ang nagsusugod sa ospital. Nakapagpaanak na rin ako nang wala sa oras sa jeep. Tapos sa PCG duties naman, nagre-rescue na kami ng mga bangka na tumaob at tumirik.

Dahil maituturing siyang bayani, isang bagay lang ang maaari niyang mailarawan sa kanyang sarili bilang tagapagligtas. “Hanggang ngayon, hindi pa rin ako makapaniwala na nagawa ko ‘yun. Para kasing bigla na lang may nagsasabi na tumulong ako. Ewan, siguro sa pagpapalaki ng magulang ko sa akin. Sila kasi, hangga’t puwedeng tumulong, talagang tutulong.”

Hindi nagdalawang-isip si Barajan na pasukin ang tungkulin bilang man­daragat. “Sa totoo lang, pag-apply ko, hindi ko inakala na ganito kabigat ang responsibilidad sa serbisyo. Noon, akala ko, pagkatapos ng training, trabaho lang, ngayon kasi, naging buhay ko na ang pagserbisyo,” kuwento pa niya.

Isang malaking salik sa pagiging bayani ni Barajan ang itinuro at pagpa­palaki sa kanya ng magulang niya, Sabi niya, “Pinalaki ako ng magulang ko na maging independent at malakas ang loob. Tapos, lagi kong nakikita sa kanila na kahit walang-wala kami, mahilig silang tumulong sa iba. Kaya parang normal lang sa aming magkakapatid na tumulong ‘pag kailangan.”

Ipinagmalaki rin ni PO2 Bara­jan ang kanyang ama. “ Ang tatay ko kasi, Coastguard din siya. Binuhay niya kami. Nakita ko lahat ng sak­ripisyo niya. Hanggang ngayon, inuuna niya kami bago ang sarili niya.”

Malaking bagay din na may pinaghuhugutan din siya ng lakas at inspirasyon, “ May pamilya na po ako. Ang misis ko po kasi ay nurse kaya hindi siya ‘yung nerbiyosa. Naghihintay siya sa kumpirmas­yon na okay na lahat, tapos nag­dyu-duty na siya, ganu’n din po siya katatag at katibay.”

Kung hindi man daw naging coastguard si Barajan, nabanggit niya na, “Gusto kong maging Do­kumentarista talaga at abogado.

Ibinahagi rin ni Barajan ang pa­­raan para mas maging matibay at matatag ang loob ng isang tao bu­kod sa hindi pagpa-panic habang nang­yayari ang ‘di inaasahan, “Ugaliing maging laging handa. Bigyan ng panahon ang pag-aaral sa mga bagay na makakasalba sa sarili sa tuwing may kalamidad.”

Si Commandant Vice Admiral Joel Garcia ang nag-promote kay Barajan mula sa pagiging Petty Of­ficer Third Class (PO3) ay naging Petty Officer Second Class (PO2) na siya.

“Petty Officer Third Class Ba­rajan will be promoted to Petty Officer Second Class and will be eligible for commissionship to become a CoastGuard officer as a recognition for his exemplary attitude and courageous act to ensure the safety of lives despite being off-duty when the maritime incident occurred,” ani Garcia.

Kinilala ng buong PCG ang buong-pusong pagpapahalaga ni Barajan sa kanyang propesyon, dedikasyon, tapang at katatagan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page