Nakulong. Nagdusa. Tinalikuran.
- Janice DS Navida
- Dec 2, 2019
- 6 min read

Apat na taon at anim na buwan. Naranasan mo na bang sa loob ng ganito kahabang panahon ay apat na sulok lang ng kuwarto ang nakikita mo? Malaki man o maliit ang silid, araw-araw ay apat na sulok lang ang iikutan ng iyong paningin.
Nasubukan mo na ba na apat na taon at kalahati na hindi kasama ang pamilya mo, hindi makakilos nang malaya, hindi magawa ang mga dati mong nakasanayang gawin at mapuntahan ang mga lugar na gusto mong puntahan, hindi payagang gumamit ng cellphone o anumang gadget para mapaglibangan at pagbuhusan ng oras?
Sa ganitong sitwasyon dinala ng tadhana at sinubok ang katatagan ni Sen. Ramon Bong Revilla, Jr. — isang sikat, makapangyarihan, maimpluwensiya, mayaman at kinikilala sa larangan ng showbiz at politika.
Pero sa isang iglap, biglang bumagsak ang mundo niya nang akusahan at kasuhan ng plunder o pandarambong kaugnay ng pork barrel scam ni Janet Lim Napoles noong taong 2014.
June 20, 2014 nang kusang sumurender si Sen. Bong sa Sandiganbayan para harapin ang akusasyon sa kanya at patunayang inosente siya habang nililitis ang kanyang kaso.
Dahil sa napakabigat na pagsubok na ito, ano nga ba ang naging impact sa aktor-pulitiko ng salitang “katatagan” at paano ito nasukat ng pangyayaring ito sa kanyang buhay?
Pahayag ni Sen. Bong, “Katatagan… siguro, wala kang paghuhugutan ng katatagan mo kundi sa Diyos. Kung hindi ka kumapit sa Kanya nu’ng time na ika’y nasa ibaba o times na… ‘yung time na talagang puro parang binagsakan ka na ng mundo, parang feeling mo, katapusan na ng buhay mo, wala kang ibang kakapitan kundi ang Panginoon lang. ‘Yun ang kinapitan ko kaya lalo akong tumatag.”
Alam naman ni Sen. Bong na bawat isa sa atin ay sinusubok ng panahon at pagkakataon.
“Yeah. So, nu’ng dumating sa ‘kin ‘yung pagsubok na ‘yan, talagang… Kasi kung titingnan mo… ‘yung takbo ng buhay ko nu’n, ‘yung career ko, lahat, everything okay.
“Kumbaga, box office sa pelikula, sa telebisyon. Tapos, biglang babagsak sa ‘yo ‘yung mundo, ‘noh? Parang ikaw ‘yung pinakamasamang tao sa balat ng lupa. Pero ‘yung sabi nga… ‘yung hugot na kung hindi sa Panginoon, eh, wala na.
“Ang nagbukas sa akin ng lahat, Bibliya,” nagbalik-tanaw na kuwento ni Sen. Bong.
At tulad ng mga normal na tao, tinanong namin si Sen. Bong kung dumating ba sa puntong kinuwestiyon niya ang Diyos kung bakit nangyari sa kanya ang ganito kalaking problema.
“Ahh… siyempre, minsan, mag-iisip ka, ‘Why? ‘Di naman ako masamang tao. Kung meron mang masamang tao d’yan… ah, siguro, mas maraming taong mas masama sa ‘kin. Bakit ako nagsa-suffer ng ganito?’
“Question, but siyempre, sabi nga, at the end of the day, iisipin mo pa rin, hindi ibibigay ng Panginoon ‘yung pagsubok na ‘yan kung hindi mo kaya. ‘Yun ang naging sandigan ko para lalong maging matatag. So, ang sagot, sa Panginoon pa rin.”
May trauma pa rin ba siya hanggang ngayon dahil sa mabigat na pinagdaanan niya?
Napangiti ang aktor-pulitiko at ang sabi, “Wala na. Para lang akong nanaginip, eh. Magugulat ka, eh. Siguro, ‘yung unang labas ko… lumabas ako, December 7 (2018), ‘di ba? Number pa ni God ‘yun! Seven! ‘Di ba?
“‘Yung seven na ‘yan, siguro ‘yung one week, nandu’n, nandu’n ‘yung ano pa rin, ‘yung paggising mo, akala mo, ‘andu’n ka pa rin sa Crame, ganu’n. Feeling mo, ah, parang gusto mo pa ring… Basta ‘yung mga ginagawa ko, ‘yung daily routine ko, hinahanap ko pa rin ‘yun, kaya ‘yung state of shock, for about a month, dahil after that, lumabas na ‘ko, eh. Nangampanya na ‘ko, January (2019). Kaya one month ko lang naramdaman ‘yun, ‘yung medyo ano ko… But after that, ‘di ko na naramdaman. Ang bilis na ng buhay ko, umikot na ‘ko ng buong Pilipinas, non-stop. Non stop ‘yun.”
“Ano ang hindi alam ng mga tao na naging paghihirap mo sa loob ng Camp Crame na siyempre, bina-bash ka dahil sa ibinibintang sa ‘yo?” tanong namin sa aktor-pulitiko.
Sagot niya, “Unang-una, dapat malaman ng mamamayang Pilipino, hindi tayo nakulong dahil ika’y convicted na. Dinetain lang ako because sa kaso kong plunder, which is napatunayan naman na hindi, na-acquit ako ru’n, ‘noh? So, hindi talaga tayo kung tutuusin preso, detainee tayo.
“Pero ganunpaman, ‘yung mga pribilehiyo na naaano natin, para ka na ring preso, eh. Kahit ano pang ganda ng kuwarto mo, the fact na ikinulong ka, para kang nasa hawla na hindi mo nagagawa ‘yung mga bagay na nagagawa mo dati.
“‘Yung pamilya mo, nakakasama mo araw-araw, uuwi ka ng bahay, mayayakap mo ang asawa mo, mayayakap mo ‘yung mga anak mo, na hindi mo na magawa, ‘yung mga bagay na ganu’n, talagang napakasakit na dumating sa isang tao. ‘Yung ganu’n na alam mong nagdudusa ka na talagang kasalanan mo na hindi mo ginawa, ‘yun ‘yung mga trauma ‘pag inisip mo ‘yun…”
Kilalang action star si Bong Revilla, Jr. bago pa siya naging pulitiko. Sa kabila ba ng kanyang macho image, iniyakan niya ang nangyaring ito sa kanyang buhay?
“Oh, my gosh! Siguro, sabi nga, literal, isang drum na luha ang lumabas sa aking mga mata sa loob ng Crame. Dahil every time na maiisip mo ‘yung nangyari sa buhay ko, luluha ka. Every time na may kausap ako, aalis ‘yung pamilya ko, luluha ka. Darating sila, maluluha ka. Kaya ‘yung trauma talaga, ang bigat. Hindi siguro nari-realize ‘yun ng ibang tao kung gaano kabigat, kahirap, kasakit ‘yung dinanas ko.
“Kaya ako, may puso rin ako ru’n sa mga ibang nakukulong na marahil ay marami ring nakakulong diyan na walang kasalanan,” emosyonal nang kuwento ni Sen. Bong habang binabalikan ang kanyang karanasan.
Tanong uli namin sa aktor-senador, “Sa buong panahon na nasa loob ka ng Custodial Center ng Camp Crame, may punto ba na na-depressed ka?”
“Oh, yes. Ang ginagawa ko ‘pag ganu’n, nag-e-exercise na lang ako. Hindi naman ako nagkaroon ng depression na parang nasira na ang ulo mo, ‘noh? Lalabanan mo talaga ‘yan. Dahil kung may depression ako, baka hindi mo na ako makausap nang matino ngayon. But you know, I’m very much okay. Naging mas matatag ako ngayon, tingin ko. Pananaw sa buhay, mas malalim. Saka mas naintindihan mo ‘yung takbo ng buhay,” saad niya.
Dahil nalagpasan na niya ang ganitong mabigat na pagsubok, ano naman ang maipapayo niya sa mga dumaraan din sa matinding problema?
“Sabi ko nga, ‘di ba, bawat tao, may kani-kanyang pagsubok ‘yan. ‘Pag dumating sa ‘yo ‘yan, kailangang alam mo kung paano harapin. ‘Wag kang susuko. Hindi ibibigay ng Diyos ang pagsubok na ‘yan kung hindi mo kaya. So far, wala ka ring ibang tatakbuhan kundi sa Kanya lang din.
“‘Pag dumating sa inyo ‘yung pagsubok na mabigat, harapin n’yo, ‘wag ninyong takbuhan. Dahil ako, puwede na akong tumalikod, eh, sa problema. Puwede kong tapusin ang buhay ko sa mga panahon na ‘yun… pero hindi, lumaban ako. Lumaban ka. Kasama ang Panginoon sa laban na ‘yun. Kaya taas-noo ako kahit kanino. ‘Yung pakiramdam ko na talagang hindi ako susuko sa laban na ‘to dahil naniniwala ako sa katotohanan at mangingibabaw pa rin ang Diyos,” pagbabahagi pa ni Sen. Bong.
Ang isa pang masakit na katotohanan na kaakibat ng pagsubok na ito sa kanya ay nalaman niya ang mga totoo niyang kaibigan nang mula sa ituktok ay bigla siyang bumagsak sa pinakaibaba.
“In fairness, maliit lang na porsiyento ‘yun sa akin. Dahil ako naman, mahal nila, eh. Siguro masasabi ko, mga 3% lang ‘yun (mga kaibigang tumalikod).
“Du’n mo makikita naman na, ‘Oh, ‘yung mga kaibigan na ‘yan na alam mong ‘pag nasa power ka lang, nandiyan sila, ‘pag ika’y nasa ibaba na, makakalimutan ka, mga 3% lang ‘yun,” pag-amin niya.
Ngayong nakabalik na siya sa normal na buhay, nagpaparamdam ba ulit sa kanya ang mga kaibigang tinalikuran na siya noon?
“Oo,” sabay tawa niya, “pero, at least, kilala mo ‘yung mga kaibigan… ‘yung tunay at hindi. Pero ‘yung 3% na ‘yun, ‘di ba, at least, kilala mo sila kung ano’ng klase silang tao.”
Ang na-realize raw niya sa pagsubok na nangyari sa kanya, “‘Yun pa rin, kay Lord. Kailangang intindihin mo ‘yung buhay na tayong lahat, mamamatay. Kailangang handa tayo sa lahat ng oras na pupuwede tayong mawala. Ako, puwede bukas, puwede sa makalawa, puwede sa isang taon, puwedeng after 100 years pa… but you know, ang importante, handa tayo sa anumang oras at handa ka nang humarap din sa Diyos.”
Comments