top of page
Alex Eala at Sandro Marcos - FB.jpg

Young Azkals, nakaganti, Malditas, semifinalist na

  • A. Servinio
  • Dec 1, 2019
  • 2 min read

Photo: dugout.ph

Dobleng selebrasyon para sa Pinoy Football ang pumutok Biyernes ng gabi matapos sabay magwagi ang mga pambansang koponan kontra sa kanilang mga katapat sa Malaysia sa 30th Southeast Asian Games sa magkahiwalay na lugar. Nanalo ang Young Azkals sa Rizal Memorial Stadium, 1-0, habang wagi ang Malditas sa Biñan Football Stadium, 5-0. Ipinakita muli ni Stephan Schrock ang kanyang kalidad at malawak na karanasan bilang kapitan ng Pilipinas nang naka-goal siya sa ika-72 minuto. Sumipa si Schrock mula sa kanto at hindi nasalo ni Malaysia goalkeeper Muhammad Haziq Nadzli ang bola matapos harangan ni defender Amani Aguinaldo

Sa una, hindi naging sapat ang agresibong laro ng Young Azkals at kahit sila ang may hawak ng bola ng karamihan ng first half, nagtapos ito sa 0-0. Hinigpitan lalo ng Pilipinas ang kanilang depensa pagkatapos ng goal ni Schrock para tuluyang iligpit ang Malaysia, ang nagwagi ng pilak noong nakaraang SEAG 2017. Samantala, naging madali ang panalo ng Malditas para pormal na makapasok sa semifinals sa bisa ng kanilang isang panalo at isang tabla. Ang nalalabing laban sa Grupo A sa pagitan ng Myanmar at Malaysia ang magsasabi kung sino ang sasama sa mga Pinay sa semis.

Sinimulan ni Sarina Bolden ang pagparusa sa Malaysians sa kanyang goal sa ika-21 na minuto na sinundan ng goal ni Alisha del Campo sa ika-39 minuto at biglang gumuho ang kalaban at pinayagan ipasok pa ni Bolden ang dalawa pang goal sa ika-40 at ika-45 na minuto para mabuo ang kanyang hat trick at 4-0 na kalamangan pagdating ng halftime. Nagdagdag ng isa pang goal si Eva Madarang sa ika-90 minuto para itakda ang huling talaan. Para sa Young Azkals, mahalaga ang manalo sila sa huling laro kontra sa Timor Leste sa Disyembre 4 sa Biñan para makapasok sa semifinals. Natalo ang Timorese sa Myanmar, 1-3, sa naunang laban noong Biyernes. Sa Dis. 5 ang semifinals ng Malditas. Malalaman sa darating na mga araw ang kanilang makakalaro buhat sa Grupo B kung ang defending champion Vietnam na pasok na o ang magwawagi sa huling laban ng Thailand at Indonesia. Samantala, papainitin ng Philippine Eagles ang yelo sa MOA Arena sa kanilang laro sa Ice Hockey kontra sa Malaysia ng 7:00 p.m. Sa ice rink sa SM Megamall, nais panatilihin ng mga Pinoy skaters na si Allison Kristle Perticheto at sina Christopher Caluza at Edrian Paul Celestino ang mataas nilang puntos pagkatapos ng Ice Skating Short Program noong Biyernes para sa Free Skate ngayong araw bago igawad ang mga medalya.

Bagong disiplina ang susubukan ng SEAG legend na si John Baylon. Ang dating kampeon ng Judo ay maglalaro sa Kurash, isang uri ng martial arts buhat sa Gitnang Asya na hawig sa Judo, sa Laus Events Center sa City of San Fernando, Pampanga ng 1 p.m. Qualifying round din ngayon ng Lawn Bowls Singles, Doubles at Triples sa New Clark City. Ang mga iba pang mga disiplina na gagawad ng medalya ngayon ay ang Weightlifting sa Ninoy Aquino Stadium, Wushu sa World Trade Center at Sepak Takraw sa Subic Bay Metropolitan Authority Gym.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page