Itinaas na ang bandila ng 11-bansa, 30th SEAG pormal nang bubuksan
- A. Servinio / VA
- Nov 30, 2019
- 2 min read

Pormal ng itinaas ang watawat ng Pilipinas maging ng 11-bansa kahapon sa loob ng Athletes’ Village sa New Clark City sa Tarlac na naghuhudyat ng naroon na ang mga delegasyon ng mga bansang kalahok sa 30th Southeast Asian Games kabilang na ang Team Philippines.
Ang ating bandila ang huling itinaas sa ginanap na flag-raising ceremony bilang punong abala sa biennial meet. Ayon sa Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee o PHISGOC, lahat ng 11 bansang kalahok sa SEA Games ay dumating na ang mga delegasyon sa Athletes Village sa loob ng New Clark City na magsisilbi na main hub ng regional games.
Bukod sa Pilipinas, ang iba pang mga bansang kalahok sa SEA Games ay ang Brunei, Malaysia, Thailand, Singapore, Indonesia, Vietnam, Myanmar , Cambodia, Laos at Timor Leste.
Samantala, ang galing at husay ng talentong Filipino ang itatampok sa pormal na pagbubukas ng 30th SEAG sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan mamayang gabi. Gagawa ng bagong kasaysayan ang Pilipinas sa pinakaunang multi-sports event na gaganapin ang pambungad na seremonya sa isang indoor venue.
Naimbitahan si Pangulong Rodrigo Roa Duterte para sa 7:00 p.m. na pangunahing palabas. Sasamahan siya ng mga opisyal ng Philippine Southeast Asian Games Organizing sa pangunguna ni Chairman Speaker Alan Peter S. Cayetano, Philippine Olympic Committee President Rep. Abraham Tolentino at Philippine Sports Commission Chairman at Chef de Mission William I. Ramirez.
Inaasahan na mapupuno ang 55,000 na upuan simula sa pagbukas ng mga pinto sa 3 p.m Ilan sa mga nakatakdang mag-alay ng numero ay sina Apl de Ap ng Black Eyed Peas, Aicelle Santos, Anna Fegi, Christian Bautista, Elmo Magalona, Inigo Pascual, Jed Madela, KZ Tandingan, Lani Misalucha, Robert Sena, TNT Boys at libu-libong mag-aaral.
Ang mga atleta pa rin ang bibida sa palabas at hinihintay ng lahat ang kanilang pag-parada kasama ang mga Pinay beauty queen sa pangunguna nina Miss Universe Pia Wurtzbach at Ms. International Maegan Young. Magsusuot ang Team Pilipinas ng mga barong na likha ng designer na si Francis Libiran.
Nananatiling sikreto ang mga detalye ng palabas pero nangako si PHISGOC Chief Operating Officer Ramon Suzara ng isang palabas na maaring ipagmalaki ng mga Filipino sa buong mundo. Maghahalo ang mga katutubong tradisyon at bagong teknolohiya sa dalawang oras na palabas.
Si world class boxer Manny Pacquiao at amateur pug Nesthy Petecio ng magsisindi ng apoy sa New Clark City Stadium sa Capas, Tarlac. Kung paano gagawin iyan sa dalawang magkahiwalay na lugar ay malalaman ngayon.
Dadalo rin ang mga alamat ng palakasan sa Pilipinas upang ihatid ang bandila ng SEA Games Federation. Ilan sa mga darating ay sina Lydia de Vega-Mercado ng Athletics, Paeng Nepomuceno at Bong Coo ng Bowling, Mansueto “Onyok” Velasco ng Boxing, Efren “Bata” Reyes ng Billiards, Akiko Thompson ng Swimming at Alvin Patrimonio ng Basketball.





Comments