Kasiraan sa SEA Games, Pinoy pa mismo ang nagpapakalat

Bukas na ang itinakdang opisyal na pagbubukas ng 30th Southeast Asian Games na ginaganap sa bansa.
Matapos ang ilang kontrobersiya, kaliwa’t kanang puna at pagdepensa, ceasefire muna.
Tigilan na muna ang mga pambabatikos at bashing kaugnay sa mga kapalpakan sa SEA Games.
Ibigay na muna natin ang lahat ng uri ng suporta sa ating mga kapwa Pinoy na atleta na lalaban, gayundin ang mainit na pagtanggap sa mga dayuhang manlalaro at mga bisita.
‘Ika nga, may tamang panahon para sa lahat ng bagay.
Sa ngayon, ituon na muna natin ang positibong pananaw para sa SEA Games. Ang mga nangyari nang aberya ay magsilbing hamon para pagbutihin pa ang mga gagawin sa mga susunod na araw.
Gayunman, pagkatapos na pagkatapos ng SEA Games, ‘yan, puwede nang resbakan ang mga nagpabaya at pati na rin ang mga basta na lang nanira para lang mapag-usapan lalo na sa social media.
Napag-alaman na ipinasisilip na sa Kongreso ang umano’y mga kumakalat na ‘fake news’ kaugnay sa SEA Games.
Matatandaang, maraming kumakalat na maling impormasyon at balita sa social media na talagang nagpainit sa ulo ng marami tulad ng kikiam na almusal daw para sa mga atleta. Ayon sa hotel na sinasabing nag-serve, chicken sausage raw ito na maaaring napagkamalang kikiam.
May kumakalat ding litrato ng Biñan Sports Complex na under construction pa rin, gayundin ang nag-viral na larawan ng palikuran na may dalawang toilet bowls na nasa iisang cubicle. Ipinagawa umano ang kontrobersiyal na banyo noon pang nakaraang administrasyon.
Ilan lamang ito sa mga fake news na naglabasan at masasabing hindi lang ito kasiraan ng administrasyon kundi ng buong bansa.
Nakalulungkot, lalo na kung mapatunayang kapwa Pinoy ang gumawa at nagpakalat nito. Kaya payo sa ating lahat, maging mapanuri sa pagbabasa ng mga balita at posts sa social media.
Bago mag-react, siguraduhin munang totoo at kung hindi sigurado, huwag nang i-share.





Comments