Saints, nilusaw ang Heroes sa NCAA All Stars
- A. Servinio
- Nov 28, 2019
- 2 min read

Humabol ang Saints mula sa pagkalugmok sa 22 puntos sa 3rd quarter upang talunin ang Heroes, 113-111, sa 95th National Collegiate Athletic Association (NCAA) All-Star Games Martes ng hapon sa Mall of Asia Arena. Binuhay ni RK Ilagan ang kampanya ng Saints at tinapos ni Jerrick Balanza ang trabaho para sa ikatlong sunod na panalo ng Saints buhat pa noong 2017.
Biglang uminit si Ilagan at nagbagsak ng dalawang magkasunod na tres at naagaw ng Saints ang lamang sa unang pagkakataon, 108-106. Nauwi sa pagalingan sa free throw ang laro at hindi binigo nina Balanza, Clint Doliguez at Ilagan ang Saints at nanatili pa rin ang lamang, 113-111. Itinanghal si Balanza bilang Most Valuable Player na may 14 puntos, 4 rebounds at 2 assists. Namuno para sa Saints si Benedict Adamos na may 18 puntos at siyam na rebounds.
Ang laro na ito ay para sa fans pero sa huli nanaig pa rin ang pride ng mga player,” wika ni assistant coach Rensy Bajar na nagsalita para kay Coach Bonnie Tan. ”Ang huli kong hawak ng bola ay noong nag-champion kami pero masaya ako at nakasama ko ng isa pang beses ang mga kalaro ko sa tinagal ko sa NCAA,” dagdag ni Balanza.
Parehong nag-ambag ng 22 puntos si Rookie of the Year Justin Arana at Jayvee Marcelino para sa Heroes. Nagtapos si Jiovani Jalalon na may 14 puntos sa laro kung saan nag-imbita ang NCAA ng isang alumni ng bawat paaralan sa lumahok.
Ginananap din ang pinakaunang All-Star Game ng Women’s Volleyball kung saan wagi rin ang Saints sa Heroes sa limang set, 25-17, 24-26, 21-25, 25-17 at 17-15. Napili si Gretchel Soltones ng Saints bilang MVP habang si Coach Macky Carino ang Best Coach.





Comments