Momentum sa Polo event, ipipilit; PHL vs. Thailand sa Water Polo
- Gerard Arce
- Nov 28, 2019
- 2 min read

Photo: Desmond Wee/straitstime
Susubukang maitakbo ng isang grupo ang nakuhang momentum sa nakalipas na laban habang pipiliting muling makabangon ng dalawang koponan sa nakamit na pagkatalo sa nakaraang laban, sa pagpapatuloy ng mga elimination rounds ng 30th SEA Games ngayong Huwebes.
Bitbit ang magandang panalo matapos silatin ang defending champion na Malaysia noong Martes sa iskor na 8.5-5 sa 4-6 goals mixed Polo event sa Iñigo Zobel Polo Facility sa Calatagan, Batangas, tatangkaing malampasan ng PHL Nat’l Team na unahan ang wala pang panalong Indonesia sa nakaiskedyul na 12:45 p.m. game.
Tiyak na walang bibitaw sa samahan nina Tomas Vicente Bitong, Stefano Juban, Eduardo Miguel Lopez at Gus Aguirre na tangan ngayon ang 1-1 kartada katabla ang Malaysia habang kasunod ang undefeated na Brunei sa 2-0 marka.
Sakaling magwagi ang Polo team laban sa Indonesia at patuloy na manaig ang Brunei laban sa Malaysia ay maghaharap ang mga ito sa gold medal match sa Sabado, (Dis. 1).
Samantala, sisikapin ngayong bumawi ng Pilipinas sa Floorball. Haharapin ng mga Pinoy ang defending champion Singapore ng 7 p.m. sa UP College of Human Kinetics matapos ang mapait na 4-14 na pagkabigo sa Thailand noong Martes ng gabi para pumantay ang kartada sa 1-1 panalo-talo
Pagbawi rin ang nais ng mga kababaihan laban sa Singapore ng 1 p.m. Hahanapin ng mga Pinay ang pangalawang tagumpay matapos manalo sa Indonesia noong Lunes, 8-1, pero nabigo sa Thailand noong Martes, 3-6.
Samantala, babalik sa tubig ang Pilipinas sa Men’s Water Polo sa New Clark City Aquatics Center sa Capas, Tarlac sa tapatan nila ng Thailand sa 7 p.m. Galing ang mga Pinoy sa 6-6 na tabla kontra sa Indonesia noong Martes. Sisimulan ng Women’s team ang kampanya kontra Thailand ng 10 a.m. Tinambakan ng Thailand ang Singapore, 19-5, sa pagbukas ng torneo noong Martes.





Comments