top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Vietnam at Indonesia, mahigpit na contender ng PHL sa chess

  • Eddie M. Paez, Jr.
  • Nov 27, 2019
  • 1 min read

Mabigat na kalaban ang woodpushers ng Vietnam at Indonesia kaya hindi bumibitaw sa matinding paghahanda ang mga chessers ng Pilipinas na susulong sa nalalapit na Southeast Asian Games sa bansa.

Sa katatapos na 2019 World Seniors Chess Championships sa Bucharest, Romania, sumalang si Grandmaster Rogelio Antonio Jr. sa standard chess at sa paspasang ahedres.

Medyo mapakla ang performance niya sa una pero nahablot ng Pinoy ang isang upuan sa top 5 finishers sa labanang blitz.

Ang iba pang sasandalan ng bansa sa SEA Games (Subic Convention Center ang pagdarausan ng chess events simula Dis. 1 hanggang 8) ay nagsusunog pa rin ng kilay sa pamamagitan ng pagkikipagtagisan ng husay sa ginaganap na 2019 National Chess Championships “Battle of the Grandmasters” sa Quezon City.

Kasama sa torneong ito sina GM Darwin Laylo (rating: 2441), International Master Paulo Bersamina (rating: 2455), IM Jan Emmanuel Garcia (rating: 2426), Woman Grandmaster Janelle Mae Frayna (rating: 2206) at IM Daniel Quizon (rating: 2337).

Kasalukuyang nasa pangalawang pulutong si Laylo sa kartadang 3.5 puntos pagkatapos ng anim na rounds ng bakbakan sa boards. Isang panalo at limang tabla na ang kanyang naiposte.

Samantala, sina Bersamina at Garcia ay nakakumpol sa pangatlong grupo bitbit ang nakulektang tigta-tatlong puntos.

Si Frayna ang nag-iisang kalahok na babae at mayroon pa lang siyang dalawang tabla na nahahablot.

Sa SEAG standard chess sasalang sina Antonio at Laylo habang sina Bersamina at Garcia ay hahataw sa rapid chess. Sa blitz uupak sina Quizon at Frayna.

Si dating junior standout GM Rogelio Barcenilla (rating: 2451) ang kasalukuyang may tangan ng trangko hawak ang rekord na apat na puntos kasama si National Master Jerad Docena (rating: 2420).

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page