Volcanoes, ‘di malayong makaka-ginto sa SEAG

Tila hindi malayo sa katotohanan ang pagsikwat ng Pilipinas ng ginto sa men’s rugby sa nalalapit na 30th Southeast Asian Games matapos na pumang-apat ang Volcanoes sa likod ng mga puwersa sa rehiyon na Korea, Hongkong at China sa torneong tinaguriang “Tokyo 2020 Olympic Games Asian Qualifiers” sa Incheon, South Korea.
Sa pagiging pang-apat sa naturang paligsahan, sinagasaan nito ang karibal sa SEA Games na Singapore sa palaruan ng Namdong Asiad Statidum, 21-12.
Wala rin ibang koponan sa Timog-Silangang Asya ang nakadikit sa Pilipinas sa kompetisyon.
Bukod sa tagumpay laban sa Singapore, nakapitik din ng panalo ang Volcanoes kontra sa Sri Lanka noong quarterfinals sa iskor na 24-17 bago ito tumiklop sa Hongkong noong semifinals, 0 - 26 at sa China noong bakbakan para sa bronze medal, 14 - 19.
“The Philippines finishes 4th in the Regional Olympic Qualifier. China take the match 19 to 14. A top 4 finish for the last Asian tournament of the year. Congratulations to Korea who won the competition and qualify for the Tokyo 2020 Olympic Games! The focus now for the Philippines leads towards the 2019 Southeast Asian Games.
Let’s go Philippines!” pahayag ng Philippine Rugby Footbal Union Inc. o PRFU sa social media.
Nauna rito, matatandaang nagsabi rin ang pamunuan ng PRFU na inaasinta nito ang podium finish sa kalalakihan at sa kababaihan.
Naniniwala rin ng samahan na ang Volcanoes ay may taglay na kakayahan upang gulatin ang mga karibal tulad ng nagtatanggol na kampeong Malaysia. Ang Pilipinas ay swak din sa top 8 ng 2019 Asian Trophy Series.





Comments