Inaayawang pakasalan ng GF dahil adik sa yosi, magkakatuluyan pa rin
Maestro Honorio Ong

Katanungan
Magdadalawang taon na kaming magkasintahan ng girlfriend ko at dahil nasa hustong edad na kami at may kaunting ipon, niyaya ko na siyang magpakasal at sabi ko sa kanya ay mamamanhikan na kami sa kanilang probinsiya. Pero ayaw pa rin niyang pumayag sinabi niya na hangga’t hindi ko inaalis ang bisyo kong paninigarilyo, hindi niya ako pakakasalan.
Maestro, paano ko tatanggalin ang bisyo kong paninigarilyo? Dati kasi sinubukan ko na itong tanggalin, pero tatlo hanggang apat na araw lang ay bumalik na ulit ako sa bisyo.
Kahit hindi ko kayang maalis ang bisyo kong ito, ang kasalukuyan ko pa rin kayang girlfriend ang makatutuluyan ko at kapag kami ang nagsama, habambuhay na kaya ang relasyon namin at habambuhay na ring kaming magiging maligaya?
Kasagutan
Mahirap talagang tanggalin ang anumang klase o uri ng bisyo. Kumbaga, na-addict na siya rito at madalas na niya itong ginagawa. Ang masakit pa nito, kapag hindi mo nairaos ang iyong bisyo, parang kulang ang araw mo at parang wala ka sa kundisyon. At dahil parang may kulang sa buhay mo, hangga’t hindi mo nairaraos ang iyong bisyo, unti-unti ka pang nagugutom dito hanggang sa makasanayan na at sa bandang huli, ang bisyo ay magiging “addiction” na.
Ibig sabihin, dependent ka na sa iyong bisyo at kung bigla mo itong tatanggalin ay magkakaroon ka ng withdrawal symptoms. Halimbawa , ang biglang pagtigil sa paninigarilyo at hindi mapakali, madalas na pagkayamot at pagiging irritable.
Gayunman, tandaan na walang kaugnayan ang anumang bisyo kung ang nakatakdang pag-aasawa o kapalaran ang pag-uusapan. Sa totoo lang, may mga tao na may mas malalang bisyo kesa sa paninigarilyo ang nagkaroon naman ng asawa at anak.
May malinaw at kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B.1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na matanggal mo man o hindi ang bisyo mong paninigarilyo, tiyak ang magaganap, ang kasalukuyan mong girlfriend ang nakatakda mong makatuluyan.
Ang pag-aanalisang siya at wala nang iba ay madaling kinumpirma ng maganda at maayos ding Heart Line (Drawing A, at B. h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na kapag nagkatuluyan kayo ng kasalukuyan mong kasintahan, may pangako ng maligaya at panghabambuhay na pagsasama.
Mga Dapat Gawin
Tama ang girlfriend mo, Dan, ngayon pa lang ay itigil mo na ang paninigarilyo at huwag mo nang hintayin na magkasakit ka pa. Sa pangsikolohiyang paraan, para mabawasan mo ang paninigarilyo, kung hindi man lubusang matanggal, maaari mong i-record kung ilang stick o kaha ng sigarilyo ang nauubos mo kada araw. Halimbawa, 20 sticks ang nahihitit mo sa isang araw, i-record mo at bawasan ng isang stick kada araw.
Kapag nagawa mo ‘yan sa loob ng 19 days, isang sigarilyo na lang ang mahihitit mo kada araw at pagpatak ng ika-20 araw, tanggal na ang bisyo mong paninigarilyo.
Maganda ang dahan-dahang pagbabawas ng bisyo, upang ang withdrawal symptoms na sinasabi sa itaas ay hindi mo masyadong maranasan. At kapag lubusan mo nang naalis ang bisyo mong sigarilyo, alalahanin mong hindi lang baga mo ang matutuwa at magiginhawahan, pati na rin ang girlfriend mong matagal nang nagre-request na itigil mo na ang paninigarilyo.
Habang, ayon sa iyong mga datos, anuman ang mangyari, ang nakatakdang kapalaran pa rin ang matutupad, sa 2021 sa buwan ng Mayo o Disyembre, tiyak ang magaganap, ikakasal na kayo ng girlfriend mo na hahantong sa masaya at panghabambuhay na pagpapamilya.




Comments