Batang Pier, may do-or-die game 2
- ATD
- Nov 26, 2019
- 1 min read

Nakahirit ng do-or-die Game 2 ang NorthPort Batang Pier matapos nilang kalusin ang top seed NLEX Road Warriors, 115-90 sa PBA Governor’s Cup quarterfinals kagabi sa Araneta Coliseum.
No. 1 sa elimination round ang Road Warriors kaya may tangan silang twice-to-beat advantage.
Kailangan pang manalo ng isa ang Batang Pier para makasampa sa susunod na phase.
Kinapitan ng NorthPort ang kanilang import na si Michael Qualls upang ilista ang three-game winning streak kasama ang laro nila sa elimination round.
Maagang nagparamdam ng lakas ang Batang Pier, kinarga nila ang 21-point lead, 61-40 sa unang dalawang periods.
Sinabayan ng Batang Pier ang opensa ng Road Warriors sa third kaya naman nanatili sa kanila ang malaking bentahe, 83-64 papasok ng fourth canto. Naging matatag ang NorthPort sa payoff period lalo na sa endgame kaya nakuha nila ang importanteng panalo.
Kumayod si Qualls ng 39 points, 16 rebounds, limang assists at dalawang blocks para pasanin sa panalo ang NorthPort, bumakas si Christian Standhardinger ng 24 puntos at 13 rebounds.
Nagkainitan sa kalagitnaan ng 4th quarter at nagkaroon ng komosyon pero mga bataan lang ni NLEX head coach Yeng Guiao ang napatalsik sa laro. Si JR Quiñahan ang namuno sa opensa para sa NLEX, nagtala ito ng 20 markers.





Comments