SEA Games, ginastusan nang bilyon, umpisa pa lang, palpak na!

Palpak! Ganito inilarawan ng mga netizen ang pagsisimula ng 30th Southeast Asian Games sa bansa.
Ito ay matapos makatanggap ng reklamo mula sa football teams ng Myanmar, Timor-Leste, Cambodia at Thailand bago pa man mag-start ang kompetisyon.
Ayon sa football teams ng Myanmar at Timor-Leste, matagal silang naghintay sa airport bago nasundo at naihatid sa kani-kanilang hotel. Ang masaklap, sa maling hotel pa raw dinala ang team ng Timor-Leste, bagama’t, nagawan naman daw ng paraan at naihatid ang mga atleta ng naturang bansa sa kalapit na hotel.
Samantala, sinasabing pinaghintay din ang team ng Thailand bago makapasok sa kanilang tutuluyang kuwarto dahil hindi pa raw handa ang mga ito nang makarating sila sa kanilang hotel na anila’y masyado ring malayo sa kanilang practice venue. Ganito rin umano ang naranasan ng team mula sa Cambodia.
Kaugnay nito, sa isang pahayag ay inamin ni Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) COO Tats Suzara ang kanilang pagkukulang pagdating sa koordinasyon na nagresulta sa nasabing aberya. Kasabay nito ang paghingi ng paumanhin at nangakong magsisilbing paalala sa kanila ang mga nangyari at lalo pang magsisipag.
Matatandaang, nagbanta ang Palasyo na mananagot si House Speaker Alan Peter Cayetano sakaling magkaroon ng kapalpakan sa 2019 SEA Games bilang siya ang head ng PHISGOC. Hindi natin masisisi ang iba na mag-react nang negatibo dahil batid natin na bilyones ang inilaang pondo ng gobyerno para rito, kasabay ng pagtiyak ng mga organizer na handa na ang lahat.
Gayunman, halos magsisimula pa lang ang SEA Games at marami pang puwedeng mangyari. Maaaring madagdagan ang aberya o puwede ring maging maayos ang lahat. Huwag muna sana tayong masyadong judgmental. Alalahanin natin, pangalan ng Pilipinas ang nakakabit sa SEA Games ngayong taon. Anuman ang maganda o masamang pangyayari, ito rin ang babalik sa atin. Sa ngayon, umasa at magtiwala tayo na mairaraos ang nasabing okasyon nang maayos at ligtas ang lahat.





Comments