top of page

Itinanim sa motor ng pulis, nahulog, sumabog.. 4 nadale sa granda

  • Madel Moratillo
  • Nov 25, 2019
  • 1 min read

Isa ang patay habang tatlo ang sugatan matapos sumabog ang granada na itinanim sa motorsiklo ng pulis sa Bgy. Addition Hills, Mandaluyong City, kahapon ng umaga.

Dead-on-arrival sa ospital si Roger Avila Barcelo, 37, ng Bgy. Barangka, Mandaluyong City. Kinilala ang mga nasugatan na sina Rogelio Tolentino, Jr., 32; Merlina Gembaro, 52, at Edwin Rodas, 34.

Sa ulat ng Mandaluyong City Police, alas-6:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa F. Martinez St., Bgy. Addition Hills.

Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, ang target umano ay si P/SSgt. Aldin Saligo, ng Mandaluyong City Police at nadamay lang ang mga biktima.

Sinasabing may nagtanim umano ng MK 2 fragmentation grenade sa lower engine ng Yamaha motorcycle, na may MV File Number 0401-0196148 na pagmamay-ari ni Saligo.

Minamaneho ni Saligo ang motorsiklo sa naturang lugar at patungo sana sa kanyang puwesto sa Southeast Asian Games (SEA Games 2019), ngunit nang mapadaan siya sa humps ay bigla na lang umanong nahulog ang granada at sumabog.

Dahil tumatakbo ang motorsiklo ay nakalayo at nakatakbo agad si Saligo at ang napuruhan ay ang mga biktima na lulan ng kasunod niyang tricycle at ang iba ay naglalakad lamang sa kalsada.

Nabatid na si Saligo ay dating nakatalaga sa Intelligence Unit, bago nalipat sa Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Mandaluyong City Police at dati na umanong nakatatanggap ng mga pagbabanta sa kanyang buhay.

Hinala ng mga awtoridad na posibleng may kinalaman sa trabaho ni Saligo ang insidente.

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page