top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

Maguindanao massacre, 10 yrs. na, wala pa ring hustisya

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 24, 2019
1 min read

Isang dekada na ang lumipas, hustisya pa rin ang sigaw sa malagim na Maguindanao massacre.

Matatandaang, Nobyembre 23, 2009 nang 58 katao, kabilang ang 32 miyembro ng media ang pinatay nang sumama sa motorcade ng mga kamag-anak at tagasuporta ni dating Buluan, Maguindanao Vice-Mayor Esmael ‘Toto’ Mangudadatu, patungo sa tanggapan ng Commission on Elections upang magsumite ng certificate of candidacy para sa pagka-gobernador.

Nakaligtas si Mangudadatu sa krimen dahil wala siya sa convoy ngunit, kasama sa nasawi ang kanyang asawa at kapatid. Kalaunan ay nahalal siyang gobernador ng lalawigan.

Pinaslang at inilibing ang mga biktima gamit ang backhoe. Walang kalaban-laban.

Itinuturong utak sa pagpatay sina dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan, Sr. at dating Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan, Jr..

Sampung taon na ang lumipas, panahon na para mapanagot ang mga dapat managot.

Nabatid na nitong Nobyembre 20 sana nakatakda ang paglalabas ng desisyon sa kaso ngunit, humingi pa ng dagdag na isang buwan ang isang hukom na pinayagan naman ng Korte Suprema.

Sa totoo lang, matagal na sanang natapos ang kaso at naibigay na ang katarungan kung talagang inaksiyunan ng gobyerno.

Ano pa bang ebidensiya ang kulang? Sino pa bang testigo ang kailangang humarap? Hindi pa ba malinaw na 58 buhay ang nasayang at ilang pamilya ang hanggang ngayon ay nabubuhay sa bangungot na minsang nangyari, pero habambuhay ang tatak?

Sana, magkaroon na ng hustisya.

Higit sa lahat, sana ay hindi na ito maulit, bagama’t, hindi maitatangging hanggang ngayon ay patuloy na nababahiran ng dugo ang halalan, ang politika. Tama na.

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page