Billiards, nakapaghasa na nang tako sa SEAG
- Eddie M. Paez, Jr.
- Nov 24, 2019
- 2 min read

Inaasahan ng mga tambay sa bilyaran na haharurot ang mga manunumbok ng Pilipinas papunta sa podium ng nalalapit na Southeast Asian Games dahil sa pagiging world class ng mga ito.
Maaring totoo ito sa maraming aspeto pero hindi nagpapabaya sa paghahanda ang mga pambato ng bansa at tuloy pa rin sa malupit na preparasyon.
Si dating world 8-ball king Dennis Orcullo ay sumabak sa mga torneo sa US para sa “paghahasa” ng kanyang tako. Bukod dito, nakipagduwelo rin siya kay World Pool Billiards Association (WPA) no. 2 Shane Van Boening.
Ang duwelo ay kinapalooban ng mahigit 100 laro. Nasa Asya sina Carlo Biado, Johann Chua at Jeffrey Ignacio at kasalukuyang swak na sa round-of-32 ng ginaganap na All Japan Championships.
Si Mika Immonen ng Finland ang susunod na makakabangga ni Biado; all-Pinoy na duwelo naman ang masasaksihan sa isa sa mga laro dahil sa pagtatapat nina Chua at Raymond Faraon habang ang Hapones na si Norio Ogawa ang susubok sa tikas ni Ignacio.
Nang makaugnayan ng BULGAR, nagpahayag na ng kahandaan ang 4th placer sa malupit na World Chinese 8-Ball Championships na si Ignacio para sa sagupaan sa Southeast Asian Games.
“Yes handa na po ako at sobrang excited na kailangan lang naman ng more practice ng partner ko at more focus at pabor ng bola at higit sa lahat prayer para gabayan ni God lahat ng players na sasabak sa SEA Games.” sabi ng bilyaristang sasagupa sa SEAG 9-Ball Doubles event kaagapay ang batikang bilyarista mula sa Cebu na si Warren Kiamco.
“Pag-uwi ko diyan magbabad kami sa practice para mas lalo kaming maging handa sa SEA Games,” paliwanag ni Ignacio nang tanungin kung kasama rin sa Japan si Kiamco. Dagdag pa niya, “Pag sunday rest day for church and family (kami). Siguro mga 3 to 5hrs need namin magpractice para magkasundo ang bawat isa sa amin at magkaroon ng good chemistry.”
Sa isa namang mensahe sa BULGAR, sinabi ni Chua, kasalukuyang nasa pang-14 na puwesto sa world rankings at humablot ng isang upuan sa podium ng 2019 WPA Players’ Championships, na “Okay naman na po. Nakahanda namin po kami lagi”, bilang pagtukoy sa kondisyon ng Philippine team para sa SEA Games.
Inaasahang mag-aagawan para sa ginto ang dalawang tambalan mula sa Pilipinas dahil bukod sa Kiamco- Ignacio ay sasabak din ang puwersang Biado-Chua sa naturang event.





Comments