Young Azkals, lalaban na sa SEAG football

Inilabas na ang 20 na manlalaro ng Young Azkals na kakatawanin ang Pilipinas sa Men’s Football sa 30th Southeast Asian Games na sisipa na ngayong Lunes sa Rizal Memorial Stadium sa Maynila. Sisikapin nila makuha ang pinakaunang medalya ng bansa sa tinaguriang “The Beautiful Game” at isa sa pinaka-inaabangan na palaro sa buong rehiyon at sa buong mundo.
Ang torneo ay nakareserba para sa mga manlalarong 22- anyos pababa subalit maaring kumuha ng hanggang dalawa na lampas ang edad kaya pinili ng Philippine Football Federation (PFF) ang kapitan ng Azkals na si Stephan Schrock ng Ceres Negros at defender Amani Aguinaldo na naglalaro sa Malaysia para sa PKNP. Gagabayan nila ang mga bata nilang kakampi na pangungunahan ng apat na nagbabalik na beterano ng huling SEAG sa Malaysia noong 2017 na sina Jarvey Gayoso, Dylan de Bruycker, Jordan Jarvis at Troy Limbo.
Goalkeeper sina Anthony Pinthus at Michael Asong. Si Aguinaldo ang magiging angkla ng depensa at sasamahan siya nina Jarvis, Justin Baas, Edison Suerti, Vincent Diano at Marco Casambre. Gagamitin ni Schrock ang kanyang malawak na karanasan sa midfield katulong sina de Bruycker, Limbo, Yrick Gallantes, Pocholo Bugas, Dennis Chung, Jerome Marzan, Christian Rontini at Griffin McDaniel.
Isang beses lang nakapasok ang Pilipinas sa semifinals at ito ay noong 1991 sa Rizal Memorial, ang pinakamalayong naabot ng koponan. Mula roon, hindi nakalabas ang Pilipinas sa elimination round kahit noong 2005 sa Bacolod City kung saan unang nagsuot ng uniporme ang bagong retirong si Phil Younghusband.
Buwenamanong makakaharap ng Young Azkals sa 8:00 p.m. ang Cambodia, isang koponan na tinalo nila noong SEA Games, 2-0. Ang torneo ay bubuksan ng 4:00 p.m. sa labanan ng 2017 silver medalist Malaysia at semifinalist Myanmar habang ang nakabunot ng liban ang ika-limang bansa sa Grupo A, ang Timor Leste.





Comments