Tan at Tabora, may tsansa na maging world champ
- Eddie M. Paez, Jr.
- Nov 23, 2019
- 1 min read

Nananatiling buhay ang tsansa ng Pilipinas na muling magkaroon ng isang world champion matapos na makausad sa susunod na yugto sina Matheiu Merwin Tan at Krizziah Lyn Tabora ng umiinit nang 2019 Bowling World Cup sa Jakabaring Sports City Bowling Center ng Palembang, Indonesia.
Nagpabagsak si Tan, pang-11 noong 2018 Bowling World Cup ng kabuuang 4,791 bolilyo para mahablot ang isa sa mga upuan sa final 24 na manlalarong puwede pang makipagtagisan ng husay para sa korona. Pagkatapos ng 24 games, ang Pinoy ay may average na 199.62 pinfalls kada laro. Malaking ayuda rito ang kanyang iskor na 223, 236 at 246 sa pang-18, -19 at -23 na mga laro ayon sa pagkakasunod-sunod.
Pero kasama rin sa mga nakapasok sa piling listahan bukod sa 20-anos na pambato ng Pilipinas ay ang mga karibal mula sa Timog-Silangang Asya na Malaysia (Andrian Ang, 4865 pinfalls), Indonesia (Ryan Leonard Lalisang, 5128 pinfalls) at Singapore (Eugene Yeo, 4865 pinfalls). Sa kabilang dako, naging tiket ni Tabora ang kanyang naisumiteng 4560 pinfalls para makasali sa last 24 lady bowlers. Ito na ang pangatlong salang ng Pinay sa pandaigdigang kompetisyong ito. Noong 2012, tumapos ang Pinay sa pang-14 na baytang samantalang noong 2017 sa Mexico, siya ang hinirang na reyna.
Pero tulad sa kalalakihan, nasa parehong grupo pa rin at umaasinta sa trono kasama ng 28-anyos na Pinay ang mga SEAG rivals na Singapore (Fion Liew, 4656 pinfalls) at Malaysia (Natasha Roslan, 5016 pinfalls).
Mula sa 133 na pintopplers na nagsimula sa torneo, 85 na manlalaro na ang naobligang mag-empake matapos hindi makausad sa susunod na yugto.





Comments