top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Working mom na hanggang plano lang, hindi kayang iwan ang trabaho para sa mga anak

  • Maestro Honorio Ong
  • Nov 22, 2019
  • 2 min read

Maestro Honorio Ong

Katanungan

  1. Ang ganda ng buhay ko, Maestro, napansin ko na trabaho ako nang trabaho, pero wala namang natitira sa suweldo ko kaya minsan ay tinatamad na akong magtrabaho at parang gusto ko nang mag-resign para nasa bahay na lang ako at alagaan ko ang aking mga anak dahil nasa abroad naman ang mister ko.

  2. Kaya lang, ‘yung ipinadadala niya ay kapos sa aming pangangailangan kaya napilitan akong magtrabaho at lalo kaming kakapusin kung hihinto ako sa trabaho. Pero sabi ng mister ko, tumigil na ako sa trabaho ko, pero ayaw kong sumunod sa kanya dahil gusto ko na may sarili akong income.

  3. Kaya lang, kung ganito na wala ring natitira, minsan ay naiisip ko na tama siguro ang mister ko. Imbes na ibayad ko sa katulong ang pera, ako na lang ang mag-aasikaso sa mga bata. Pero naisip ko naman na mas maganda kung habang nasa bahay ako ay may pinagkakakitaan din ako. Ano kaya ang bagay sa aking negosyo na magagawa ko kahit nasa bahay lang ako? Kung hihinto ako sa trabaho, hindi kaya lalo lang kaming kakapusin sa aming mga pangangailangan?

Kasagutan

  1. Hindi huminto at nagbago ang tinatahak ng Fate Line na tinatawag ding Career Line (Drawing A. at B. F-F arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay tanda na anuman ang binabalak mong negosyo, hindi pa ito mangyayari ngayon kundi mga tatlo o apat na taon pa, maaaring sa panahong nandito sa bansa ang mister mo, mapasisimulan mo na ang anumang negosyo na naglalaro sa isipan mo.

  2. Ang pag-aanalisang kahit gustuhin mo mang mag-resign ay hindi mo magagawa ay kinumpirma ng nagsamang Head at Life Lines (Drawing A. at B. H-H at L-L arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay tanda na sa kasalukuyan ay natatakot ka pa ring mawalan ng sariling income dahil ang totoo, kahit may natitira pa sa suweldo mo, tulad ng pambayad sa kuryente o pang-grocery tuwing akinse at katapusan ay wala ka pa ring naitatabi.

  3. Dagdag pa rito, at least, may inaasahan kang 13th month pay at bonus ngayong Kapaskuhan o kung sakali mang nangutang ka nang hindi sinasadya, ‘yung sinusuweldo mo ang nagiging pambayad kaya masasabing mas maganda pa rin na may trabaho ka kaysa wala.

  4. At dahil sa konting bagay na ito, pero malaki rin ang naitutulong sa inyong pamilya, ang pagdadalawang-isip at takot mo na mawalan ng trabaho ay mananatili sa iyong pagpapasya, ngunit sa bandang huli, tiyak na magwawagi pa rin sa iyong desisyon ay ang hindi pag-alis sa kasalukuyan mong kumpanya at manatiling working mom.

Mga Dapat Gawin

  1. Sa totoo lang, higit na mas masarap ang may trabaho kaysa wala dahil sa pagtatrabaho, nagkakaroon ng halaga ang iyong pagkatao.

  2. Anumang pagbabago ang binabalak mo, Merly, ito ay mananatili lamang sa isang parte ng iyong utak na may markang “mga balaking hindi maipatutupad” dahil sa bandang huli, maiisip mo na ang pagiging working mom pa rin ang pinakamagandang solusyon upang makatulong ka sa iyong mister na nasa abroad, habang unti-unti ninyong pinalalaki at pinaghahandaan ang kinabukasan ng iyong mga anak.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page