top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

Akala leukemia... 10-anyos nagka-beke, paulit-ulit nagdugo ang gilagid, lumaki ang tiyan bago namata

Daing Mula sa Hukay
Nov 22, 2019
7 min read

BULGAR DAING MULA SA HUKAY... HUSTISYA

Pao Chief Persida Acosta / Daing mula sa hukay hustisya

Walang humpay pa rin ang iba’t ibang kulay ng mga paruparong lumilipad sa aking munting hardin. Nagbabadya na naman ng mga daing at taghoy mula sa banig ng karamdaman at pagpanaw ng mga biktima.

Sa pagpapatuloy ng aming paglalahad ng kuwento ng mga biktima ng Dengvaxia, nais naming itanong, sapat ba ang pinirmahang waiver upang masabi na lubos na ipinagpapaubaya ng pumirma rito ang kanyang karapatan?

Paano kung hindi sapat ang kaalaman ng nasabing pumirma tungkol sa nilalaman nito at nagkaroon ng masamang epekto ang pagkakalagda niya rito, ano na ang mangyayari? Sisisihin na lamang ba niya ang kanyang sarili dahil wala na siyang magagawa at kung mayroon man, may buhay nang nawala? May karapatan ba siyang habulin ang nagkaroon ng matinding pagkukulang sa kanya sa pagpapaliwanag hinggil sa kanyang nilagdaan?

Sa sitwasyon na may kaugnayan sa pinirmahang waiver nagsimula ang trahedyang naganap sa pamilya Baldonado. Mabuti na lamang at may matalas na pag-iisip at matibay na kalooban si Gng. Elena Baldonado. Klaro ang nangyari at lalong malinaw sa kanya kung ano ang nararapat nilang gawin dahil sa kapahamakan na sinapit ng kanyang anak na si Lenard Baldonado na humantong sa kamatayan nito noong Nobyembre 9, 2017.

Si Lenard ang ikatlo sa mga naturukan ng Dengvaxia, nakaranas bago mamatay ng mga sintomas na kasama sa common pattern of four (4) serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism, neurotropism and increase in severity of dengue disease) na consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng pamilya ang serbisyo ng team para sa mga pumanaw na biktima.

Binibigyan din sila ng libreng serbisyo-legal ng PAO, sa pangunguna ng inyong lingkod, bilang pagresponde sa idinudulog nilang kahilingan.

Narito ang bahagi ng salaysay ni Gng. Baldonado tungkol sa nasabing waiver:

“Dahil may tiwala naman ako na maganda at mabisang panangga laban sa dengue ang bakuna ay pumayag na rin ako na mabakunahan si Lenard. Dagdag pa rito, napanood ko sa balita na may bakuna na laban sa dengue at ang mga Grade IV pupils ang mababakunahan, kaya hindi na ako nagdalawang-isip na pumayag. Sinabi rin sa akin na libre naman ang bakuna.

Pumirma ako sa waiver na ibinigay ng guro ni Lenard at pumapayag na maturukan siya ng anti-dengue vaccine. Ang waiver ay kinuha rin pagkatapos mapirmahan kaya wala akong kopya nito.” (Sa kabila ng pagkakabigay ng waiver ng naturang guro, nais naming ipahayag sa kaso ni Lenard, ang muli’t muli naming sinasabi hinggil sa kawalan din ng sapat na impormasyon at bad faith ng mga guro hinggil sa Dengvaxia at dahil dito, hindi sila isinama ng aming tanggapan sa hanay ng mga akusado sa kasong ito.)

“Ipinasa ko ang waiver, ngunit walang kumausap sa akin bago ang pagbabakuna kay Lenard upang ipaliwanag kung ano ang itinurok sa kanya at ano ang puwedeng maging epekto nito sa kanya.”

Ang yumaong sampung taong gulang na si Lenard ay naturukan ng Dengvaxia sa kanilang eskuwelahan sa San Pedro, Laguna noong Abril 27, 2016. Nasundan pa ito ng dalawang turok ng nasabing bakuna, isa noong Oktubre 19, 2016 at ang panghuli ay noong Agosto 25, 2017.

Noong unang maturukan si Lenard ng Dengvaxia, walang nakitang pagbabago sa kanya. Subalit, nang pumasok na ang Setyembre 2017 ay nagkaroon siya ng beke o mumps at nagkaroon ng sinat, pero gumaling din ito agad at maayos na siyang nakapaglalaro at nakakapasok sa eskuwelahan.

Sa mga sumunod na buwan ng Oktubre at Nobyembre 2017 ay lumala ang mga nararamdaman ni Lenard. Hindi na rin nakayanan ng kanyang murang katawan at humantong sa pagpanaw ang kanyang sitwasyon. Sa iba’t ibang petsa ng Oktubre at Nobyembre 2017, narito ang mga pasakit na naranasan ni Lenard bago siya namatay:

1. Oktubre 30, 2017 - Nagkaroon ng pagdurugo ang gilagid ni Lenard at inisip ng kanyang ina na dahil lamang sa pagsesepilyo at noong sumunod na araw ay wala naman.

2. Nobyembre 1, 2017 - Paggising ni Lenard, may bakas ng dugo sa pisngi niya at sinabi sa kanyang ina na dumugo na naman ang gilagid niya.

3. Nobyembre 2-5, 2017 - Dumurugo pa rin ang kanyang gilagid. Dahil kaunti lang ang dugo at masigla si Lenard, inisip ng kanyang ina na ito ay dahil sa maling pamamaraan ng kanyang pagsesepilyo o siya ay kulang sa Vitamin C.

4. Nobyembre 6, 2017 - Napansin ng kanyang ina na ang pagdurugo ng gilagid ni Lenard ay maitim at namumuo na sa ngipin niya.

5. Nobyembre 7, 2017 - Dahil sa napansing pagdurugo na namumuo na sa ngipin at dahil sa pamumutla ni Lenard, ganu’n na rin ang paglaki ng kanyang tiyan at pamamanas ng kanyang mga paa, dinala siya sa pediatrician. Sinabihan si Gng. Baldonado ng doktor na ipasuri ang dugo ni Lenard sa laboratory at ipa-ultrasound ang kanyang tiyan.

6. Nobyembre 8, 2017 - Ipinagawa ni Gng. Baldonado ang nasabing laboratory test sa isang ospital sa Biñan, Laguna at sa isang ospital naman sa San Pedro, Laguna ang ultrasound.

7. Nobyembre 9, 2017 - Dahil walang pediatric hematologist noong Nobyembre

8, 2017 sa nabanggit na ospital sa San Pedro, Laguna at sa naturang ospital sa Biñan, Laguna naman ay tuwing Biyernes lamang pumupunta ang ganitong doktor, minabuti ni Gng. Baldonado na isugod na sa isang ospital sa Maynila si Lenard.

Kasama ni Gng. Baldonado ang kanyang asawang si Eugyne Baldonado nang dalhin si Lenard sa nasabing ospital sa Maynila sakay ng pampublikong bus at sa daan pa lamang ay dumaing na ito na masakit ang tiyan. Balisa na rin siya at gustong magpunta sa banyo, pero sinabihan siya ng ina na maghintay na lang kapag nakababa na sila sa bus.

Nang makarating na sa Buendia corner Taft Aves., Pasay City ang bus at sila ay bababa na, biglang nawalan ng malay si Lenard. Pilit siyang ginigising ni Gng. Baldonado pero hindi na siya gumising kaya isinakay siya sa taxi at pumunta sa naturang ospital sa Maynila. Pagdating nila roon, inasikaso sila kaagad sa emergency room.

Tinanong si Gng. Baldonado kung ano ang nangyari at sumagot na lamang siya na hindi niya alam dahil biglang nawalan ng malay si Lenard. Ipinakita ni Gng. Baldonado ang resulta ng laboratory test ni Lenard sa doktor na nagsabi na posibleng may leukemia si Lenard.

Mahigit dalawampu’t limang (25) minutong pilit na binobomba ang dibdib ni Lenard, subalit wala na ring nagawa dahil hindi na tumibok pang muli ang puso niya. Sinabi ng doktor na patay na si Lenard at wala nang pag-asa na mabuhay pa siya.

May inabot na papel ang doktor kay Gng. Baldonado na nakasulat kung kailan namatay si Lenard at ang nakalagay na dahilan ng kamatayan nito ay “undetermined”. Sinabihan din ng doktor si Gng. Baldonado na ang mga taga-punerarya na lamang ang mag-iisyu ng death certificate.

Dahil undetermined ang cause of death na inilabas ng ospital, hindi muna ginalaw ng mga taga-punerarya ang mga labi ni Lenard at hinanapan si Gng. Baldonado ng medical abstract. Dahil mayroon naman siyang kopya ng resulta ng laboratory test, ito na lang ang ginawa nilang basehan upang makapag-isyu ng death certificate para kay Lenard.

Sa kaso ng yumaong si Lenard Baldonado, bukod sa kawalan ng informed consent na naganap, mapapansin din ang kalagayan ng mga maralitang pasyente na karaniwan nang walang kakayahan na masuri agad upang malaman ang kanilang karamdaman.

Nangyari na naman ang pagpapalipat-lipat ng ospital ng pasyente. Dahil dito, may mahahalagang sandali na nasasayang — mga oras na dapat sana ay iginugol na sa pagbibigay sa pasyente ng karampatan at kagyat na tulong-medikal. Kaya sa kasamaang-palad, si Lenard at mga kapwa niya maralitang mga anak ng bayan ang nagsasakripisyo sa naganap na pagbabakuna ng Dengvaxia.

Ang buhay ay sadyang mahalaga, walang partikular na estado sa lipunan ang dapat na kilingan o piliin lamang na isalba — maralita man o may-kaya, nararapat na masagip sa nakaambang kapahamakan at kamatayan.

Dagdag pa rito, tulad sa kaso ng ibang namatay sa Dengvaxia vaccine, sa kaso ni Lenard sa ospital kung saan siya ay namatay, may nag-alok din sa pamilya Baldonado na isailalim sa pagsusuri o i-autopsy si Lenard upang malaman ang sanhi ng kanyang kamatayan. Hindi pumayag ang mga magulang ni Lenard. Ani Gng. Baldonado tungkol dito:

“Dahil naaawa na kami kay Lenard at sinabi pa na bubuksan ang kanyang katawan at kukunin ang kanyang mga laman-loob upang pag-aralan. Dagdag pa rito, hindi na rin nila ibabalik ang mga makukuhang laman-loob kaya hindi na kami pumayag sa inalok nilang pagsusuri.”

Gayunman, tinanong ni Gng. Baldonado ang doktor kung mayroon pang ibang paraan para malaman ang sanhi ng kamatayan ni Lenard. Sinabi ng doktor na maaaring kunan na lamang ng dugo si Lenard at pumayag naman ang mag-asawang Baldonado.

Kaugnay nito, tulad ng nabanggit na sa itaas, sa PAO, partikular ang PAO Forensic Team, ipinagkatiwala nina G. at Gng. Baldonado ang pagsasailalim sa forensic examination ng kanilang yumaong anak. Bukod pa rito, hiniling din ng mag-asawa na masampahan ng kaukulang kasong sibil, kriminal at administratibo ang mga taong responsable sa pagpapalaganap at pagbabakuna ng Dengvaxia na pinaniniwalaan ng naturang mag-asawa na naging sanhi ng pagkamatay ng kanilang anak na si Lenard.

Ang patuloy na paniniwala sa aming kakayahan, katapatan sa paglilingkod-bayan at pagpupunyagi sa ngalan ng katarungan at katotohanan ng mga taong tulad nina G. at Gng. Baldonado ang patuloy ding nagbibigay sa amin ng kumpiyansa at katibayan na nasa tamang landas ang PAO Legal at Forensic Teams.

Sa mga nagtatanong kung bakit lantad sa paningin ng mamamayan ang mga kasong hawak ng PAO, lalo na ngayon ang may kaugnayan sa Dengvaxia, nais kong ibahagi ang pagtatapat na ito ni Gng. Baldonado:

“Noong napanood ko sa telebisyon ang kaso ng isang bata na namatay pagkatapos mabakunahan ng Dengvaxia at nabanggit ang mga sintomas na dinanas nito bago mamatay, naisip ko na ito ay kahalintulad sa nangyari kay Lenard na naturukan din ng nasabing vaccine. Nabanggit din sa balita na delikado ang Dengvaxia sa mga taong hindi pa nagkaka-dengue tulad ng aking anak.

Labis ang aming pagkagulat ng aking asawa, lungkot at sama ng loob sa sinapit ni Lenard. Wala siyang naging malubhang sakit at biglaan ang kanyang pagkamatay. Hindi namin akalain na ang magpoprotekta sa kanya laban sa dengue ay siya pang maglalagay sa kanya sa matinding panganib at magiging sanhi pa ng kanyang kamatayan.”

Ang insidenteng nabanggit ni Gng. Baldonado ay pumukaw sa kanya at nagbigay ng ideya kung paano nila makakamtan ang hustisya para kay Lenard. Nagsilbi itong tulay na naglapit sa kanila sa PAO. Patuloy ang PAO at ang mga gawain nito na naaayon sa aming mandato, na magiging lantad sa paningin ng publiko — sa tri-media, social media at sa lahat ng aming mga tanggapan sa buong kapuluan — abot-kamay ninuman, saanman ang aming paglilikod-bayan. Ngunit higit kaninuman, higit kaming malapit sa aming mga kliyenteng namatayan ng mga mahal sa buhay na ngayon ay nagpaparamdam.

(Itutuloy)

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page