Senior citizen, kumakayod pa, kabataan, tambay lang

Ipinagmalaki ng Department of Labor and Employment (DOLE) na dumarami ang mga nagbubukas na trabaho para sa mga senior citizen.
Sa datos ng ahensiya, umabot na sa mahigit milyon ang mga lolo’t lola na nabigyan ng mapagkakakitaan. ‘Ika nga, hangga’t kayang magbanat ng buto, larga! May trabahong puwedeng pasukan sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno kabilang na sa mga unibersidad at ospital gayundin sa mga pribadong kumpanya.
Magtatrabaho sila nang tatlong oras sa umaga at tatlong oras sa hapon habang ang suweldo ay nakabase sa minimum salary ng kada rehiyon na kukunin naman sa alokasyon ng DOLE sa TUPAD. Kasabay nito ang pagtitiyak na ang trabaho ng mga senior ay magagaan lamang.
Sa totoo lang, napakalaking tulong nito sa mga lolo’t lola. Hindi lang ito dahil sa pera kundi sa pakiramdam na sa kabila ng kanilang edad ay mahalaga pa rin sila sa lipunan. Gayunman, kasabay ng magandang pagkakataon na naibibigay sa mga senior citizen na kaya at gusto pang magtrabaho, patuloy ang isyu sa kawalan ng sapat na trabaho para sa karamihan.
Batay sa pinakahuling tala, nasa 9.8 milyong Pilipino ang walang trabaho sa ikalawang bahagi ng taon. Sila ‘yung hindi basta tambay lang kundi matiyagang naghahanap ng mapapasukan pero ang palaging naririnig ay tatawagan na lang. Sana, magkaroon din ang gobyerno ng iba pang paraan kung paano sila matutulungan.
Aprub naman ang mga job fair kahit sabihing iilan lang ang natatanggap sa sobrang dami ng mga dumaragsang aplikante, bakit nga ba ganu’n? Okay din ang mga bagong proyekto ng gobyerno na priority ang mga Pinoy na manggagawa bago ang mga dayuhan, totoo ba? Pabor din tayo sa mga programa na ibinababa sa mga barangay bagama’t, si kap at kanyang bataan ang may hawak, ehem!
Marahil, may kulang lang o talagang may mali sa mga ito na kung tututukan ay maaaring sapat nang solusyon para mabawasan man lang ang problema sa kawalan ng trabaho. Nakakahiya naman kina lolo’t lola na kumakayod habang tayong mga mas bata at malalakas, nganga.





Comments