top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Para happy-happy lang... Mga dapat at hindi dapat gawin ngayong kapaskuhan

Twincle Esquierdo
Nov 18, 2019
2 min read

Minsan, dahil sa excitement natin ay may mga bagay tayong nakaliligtaan. ‘Yung tipong hindi naman masyadong big deal, pero hindi rin dapat kalimutan para palaging positibo lang ang mangyari sa atin, lalo na ngayong malapit na ang Pasko. Gayunman, para tuluy-tuloy lang ang kasiyahan ngayong Kapaskuhan, narito ang ilang paalala para sa ating lahat:

1. ‘WAG MALUNGKOT KUNG WALANG BAGONG GAMIT. Hindi naman kailangan na may bagong damit o gamit tuwing sasapit ang Pasko dahil ang mahalaga ay magkakasama kayo ng iyong pamilya at mga kaibigan mo. Ang materyal na bagay ay maaaring makuha sa ibang panahon, pero ang mga oras na kasama ang mga mahal natin sa buhay ay hindi kayang tumbasan ng kahit anong materyal na bagay.

2. HINDI KAILANGAN NG MAMAHALING REGALO. Hindi nakabatay sa presyo ng regalo ang kahalagahan nito sa taong pagbibigyan mo. Ang mahalaga ay galing ito sa puso mo, anuman ang halaga nito. Mas mabuting maramdaman ng niregaluhan mo na mahalaga siya sa iyo kesa gawing basehan ang presyo ng regalo.

3. HINDI ALKANSIYA SINA NINONG AT NINANG. Wala man tayong matanggap na regalo mula sa kanila, ang mahalaga ay nagagawa nila ang kanilang tungkulin na maging ikalawang mga magulang sa inaanak. May regalo man o wala, irespeto at unawain sila, gayundin, hindi lang tuwing Pasko dapat hanapin sina ninong at ninang at ito ang dapat ipaintindi ng mga magulang sa kanilang mga anak.

4. ‘WAG MASYADONG KUMAIN NG MGA MATATABANG PAGKAIN. Ngayong Pasko, siguradong puro kain ang gagawin natin dahil marami na namang pagkain sa hapag-kainan. Isa na riyan ang paborito ng ilan tulad ng lechon, ham at marami pang iba na malalapit sa high blood. Tsk! Hinay-hinay lang sa pagkain ng mga nabanggit dahil baka pagkatapos ng Kapaskuhan ay sa ospital ang bagsak mo. ‘Yun lang!

5. ‘WAG PALAGING HAWAKAN ANG CELLPHONE. Ngayong nalalapit na ang Pasko, makisama at makisaya sa pamilya at mga kaibigan mo dahil ang pagdiriwang ng Pasko ay isa ring paraan para makasama ang mga mahal natin sa buhay. Pero puwede naman itong gamitin para mag-picture para sa ating memories. Iwasan munang makipag-socialize sa ibang tao at unahin muna ang mga taong malalapit sa iyo.

Oh, mga ka-Bulgar, excited na ba kayo ngayong Pasko? Kung hindi pa, oks lang ‘yun dahil ang mahalaga ay masaya kayo sa mismong araw na ‘yun.

Gayundin, huwag kayong malungkot kung kaunti o wala kayong handa dahil ang mahalaga ay kumpleto ang inyong pamilya.

Huwag n’yong kalimutang gawin ang mga paalalang nabanggit sa itaas, ha?

Okie?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page