Labadan at Dela Risa, naka-golds sa Slovakia
- Gerard Arce
- Nov 18, 2019
- 1 min read

Hindi pa tapos ang serye ng paghakot ng medalya ng tandem nina teen wonder Breanna Labadan at Southeast Asian Games-bound Daniela Reggie Dela Risa nang muli na naman nilang pasikatin ang tala sa kanilang direksyon matapos kunin ang tig-isang gold medal sa Liptov Cup 2019 sa Liptovsky, Slovakia.
Muling iginawad sa 13-anyos mula Butuan City na si Labadan ang kanyang ikatlong sunod na gintong medalya sa European stint ng kunin ang Junior Individual All Around Title. Nauna na nang kinuha ng dating St. Scholastic’s College student ang mga titulo sa Hungary at Denmark nitong nagdaang buwan.
Ibinulsa ng 16-anyos na si Dela Risa ang Seniors All Around title na kamakailan lang ay nakamit din ang Senior Individual event 2019 Magic Cup Rhythmic Gymnastics Meet at RG Friends Masters Gymnastics meet 2019 sa Denmark. Nauna na ring nakapag-uwi si Dela Risa ng dalawang pilak na medalya sa Singapore Open noong Hunyo.
Nakatakdang sumabak ang 16-anyos na si dela Risa sa Rhythmic Individuals All-around events na kinabibilangan ng ropes, hoops, balls, ropes, clubs at ribbon sa 30th edisyon ng biennial sa bansa simula Dis. 1-7 sa Rizal Memorial Basketball Coliseum.
Patuloy din ang paglikom ng medalya ni Labadan nang iuwi din nito ang tansong medalya sa Royal Crown Gymnastics meet sa Greece noon Mayo.





Comments