Irebu, bumawi para sa UST, finalist vs. Lady Bulldogs

Kahit na may iniinda pang injury sa kanyang kanang balikat, binigyang katuparan ni back-to-back MVP Grace Irebu ang kanyang pangako na babawi nang pamunuan nito ang University of Santo Tomas sa 76-65 panalo kontra Far Eastern University upang makamit ang karapatang makasagupa ang National University sa UAAP Season 82 Women’s Basketball Finals noong Sabado sa Araneta Coliseum.
Umiskor lang ng 10 puntos noong unang laban, nagtala si Irebu ng 28 puntos, 14 rebounds at 3 blocks para giyahan ang second seed Tigresses sa pag-usad sa finals kontra sa 5-time undefeated champion Lady Bulldogs.
“This game was very important for us,” anang Season MVP na si Irebu.” We didn’t play well during the first game, but we made sure to start strong and finish strong in this game. The game was physical, but we did not give up. We executed inside the court.”
Maliban kay Irebu, bumawi rin sa kanyang 2-puntos na naiambag noong unang laban si Lon Rivera nang kumamada ito ng 13 puntos kasunod ang rookie na si Eka Soriano na tumapos na may 11 puntos.
Buhat sa 14-11 na kalamangan sa first period, rumatsada ang Tigers at tuluyang lumayo sa 2nd quarter kung saan nagsalansan sila ng 29 puntos kumpara sa 10 puntos lang ng Lady Tamaraws upang itayo ang 22-puntos na bentahe sa halftime, 43-21.
Samantala, namuno para sa nabigong FEU si Valerie Mamaril na nagposte ng 23 puntos kasunod si Choy Bahuyan na may 12 puntos. Mga laro sa Miyerkules - MOA Arena: 12 noon – NU vs UST (Women Finals) 2:30 p.m. – Awarding Ceremonies (Men/Women) 4 p.m. – UST vs Ateneo (Men Finals)





Comments