Bolts, may twice-to-beat sa quarters, Caram, bida

Kinahon ng Meralco Bolts ang pang-limang sunod na panalo matapos nilang kalusin ang NorthPort Batang Pier, 103-89 sa PBA Governor’s Cup kagabi sa Ynares Center, Antipolo.
Kumayod si local Antonio Jose Caram ng 30 points at apat na steals upang tulungan ang Bolts na ilista ang 8-2 karta at manatili sa pangalawang puwesto sa team standings.
Bumakas si import Allen Durham ng 26 markers at 19 boards habang 17 ang kinana ni Chris Newsome.
Kumapit ang Bolts sa second quarter upang hawakan ang limang puntos na bentahe, 50-45 sa halftime. Nakipagsabayan ang Bolts sa third canto upang manatili sa kanila ang bentahe, 72-69 papasok ng fourth.
Hindi nagpabaya ang Meralco sa payoff period kaya nasilo nila ang matamis na panalo. Nalasap ng Batang Pier ang pang-anim na talo sa 10 salang.
Samantala, may dalawang laro pa ang natitira sa Barangay Ginebra Gin Kings pero nakatuon na sila sa susunod na phase.
Swak na sa playoffs ang crowd favorite Gin Kings ito’y matapos kalusin sa overtime ang TNT Ka Tropa, 99-96 noong Biyernes, tangan nila ang 6-3 at nakapuwesto sila sa No. 4. ng team standings.
“These are our playoff games already,” saad ni Ginebra point guard LA Tenorio. “This kind of game will help us going to the playoffs. Yung ganitong mga grind-out game, we don’t need blowout game kasi parang wala kaming matututunan. Yung ganitong klase ng game ang kailangan namin sa playoffs.”
Makakalaban ng Ginebra ang Columbian Dyip sa Nobyembre 15 at NorthPort sa November 17 sa kanilang bhuling dalawang laro sa eliminations.
Ayon kay Tenorio, malaking bagay ang dikdikang panalo nila sa KaTropa papasok ng playoffs.
“Big win for us, hindi ko itatago na sobrang laking panalo para sa amin,” hayag ni veteran guard, na nagtala ng 19 points, siyam na rebounds at tatlong assists sa kanilang panalo.
Posible pa silang umakyat kapag nawalis nila ang dalawang natitirang laro. “These last two games playoff mode na sa amin. It doesn’t matter kung sino man ang kalaban namin,” ani Tenorio.





Comments